Talaan ng mga Nilalaman
SEKSYON 1
Ang unang halalan ng mga kagawad ng Kongreso sa ilalim ng Konstitusyong ito ay dapat iraos sa ikalawang Lunes ng Mayo, 1987.
Ang unang halalang lokal ay dapat iraos sa petsang itatakda ng Pangulo, na maaaring kasabay ng halalan ng mga Kagawad ng Kongreso. Dapat isabay dito ang halalan ng mga Kagawad ng mga sangguniang panlungsod o pambayan sa Metropolitan Manila Area.
SEKSYON 2
Ang mga Senador, mga Kagawad ng Kapulungan ng mga Kinatawan at ang mga pinunong lokal na unang inihalal sa ilalim ng Konstitusyong ito ay dapat manungkulan hanggang sa katanghalian ng Hunyo 30, 1992.
Sa mga Senador na mahahalal sa halalan sa 1992, ang unang labindalawa na magtatamo ng pinakamataas na bilang ng mga boto ay dapat manungkulan sa loob ng anim na taon at ang nalalabing labindalawa sa loob ng tatlong taon.
SEKSYON 3
Ang lahat ng mga umiiral na batas, mga dekri, mga kautusang tagapagpaganap, mga proklamasyon, mga liham tagubilin at iba pang mga pahayag tagapagpaganap na hindi salungat sa Konstitusyong ito ay mananatiling ipinatutupad hangga’t hindi sinususugan, pinawawalang-bisa, o pinawawalang-saysay.
SEKSYON 4
Ang lahat ng mga umiiral na kasunduang-bansa o mga kasunduang internasyonal na hindi naratipikahan ay hindi dapat irenyu o palugitan nang walang pagsang-ayon ng dalawang-katlo man lamang ng lahat ng mga Kagawad ng Senado.
SEKSYON 5
Ang anim na taong taning na panahon ng panunungkulan ng kasalukuyang Pangulo at Pangalawang Pangulo na nahalal sa halalan noong Pebrero 7, 1986, para sa layunin ng singkronisasyon ng halalan, ay pinalulugitan sa pamamagitan nito hanggang sa katanghalian ng Hunyo 30, 1992.
Ang unang regular na halalan para sa Pangulo at Pangalawang Pangulo sa ilalim ng Konstitusyong ito ay dapat iraos sa ikalawang Lunes ng Mayo, 1992.
SEKSYON 6
Ang kasalukuyang Pangulo ay dapat magpatuloy sa pagtupad ng kapangyarihang tagapagbatas hanggang sa pulungin ang unang Kongreso.
SEKSYON 7
Hangga’t hindi nagpapatibay ng batas, maaaring humirang ang Pangulo mula sa isang listahan ng mga nomini ng kinauukulang mga sektor ng mga hahawak sa mga pwestong nakalaan para sa mga kinatawang sektoral sa ilalim ng Talataan (2), Seksyon 5 ng Artikulo VI ng Konstitusyong ito.
SEKSYON 8
Hangga’t hindi nagtatadhana ng naiiba ang Kongreso, maaaring likhain ng Pangulo ang Metropolitan Authority na kabibilangan ng mga puno ng lahat ng mga yunit ng pamahalaang lokal na bumubuo sa Metropolitan Manila Area.
SEKSYON 9
Dapat magpatuloy sa pag-iral at pagkilos ang mga sub-lalawigan hangga’t hindi nagagawang regular na lalawigan o hindi naibabalik ang mga bayang komponent nito sa inang-lalawigan.
SEKSYON 10
Ang lahat ng mga hukumang umiiral sa panahon ng ratipikasyon ng Konstitusyong ito ay patuloy na tutupad ng kanilang hurisdiksyon, hangga’t hindi nagtatakda ng naiiba ang batas. Ang mga tadhana ng umiiral na mga Alituntunin ng Hukuman, mga aktang panghukuman, at mga batas prosidyural na hindi salungat sa Konstitusyong ito ay mananatiling ipinatutupad hangga’t hindi sinususugan o pinawawalang-bisa ng Kataastaasang Hukuman o Kongreso.
SEKSYON 11
Ang kasalukuyang mga Kagawad ng Judiciary ay dapat magpatuloy sa panunungkulan hanggang sa sapitin nila ang gulang na pitumpung taon, o mawalan ng kakayahang tumupad sa mga tungkulin ng kanilang katungkulan, o tanggalin sa panunungkulan nang may kadahilanan.
SEKSYON 12
Sa loob ng isang taon pagkaraang maratipikahan ang Konstitusyong ito, ang Kataastaasang Hukuman ay kinakailangang maglagda ng isang sistematikong plano upang mapadali ang pagpapasya o resolusyon sa mga kaso o mga bagay-bagay na nabibimbin sa Kataastaasang Hukuman o sa mga nakabababang hukuman bago magkabisa ang Konstitusyong ito. Dapat magpasunod ng katularing plano para sa lahat ng mga tanging hukuman at mga kalupunang mala-panghukuman.
SEKSYON 13
Ang epektong legal ng pagkalaos, bago maratipikahan ang Saligang-Batas na ito, ng aplikableng panahon para sa pagpapasya o resolusyon ng mga kaso o mga bagay-bagay na idinulog para hatulan ng mga hukuman ay dapat determinant ng Kataastaasang Hukuman sa lalong praktikableng panahon pagkaraang maratipikahan ang Konstitusyong ito.
SEKSYON 14
Ang mga tadhana ng mga talataan (3) at (4), ng Seksyon 15 ng Artikulo VIII ng Konstitusyong ito ay dapat sumaklaw sa mga kaso o mga bagay-bagay na idinulog bago maratipikahan ang Konstitusyong ito, kapag ang aplikableng panahon ay malalaos pagkaraan ng gayong ratipikasyon.
SEKSYON 15
Ang kasalukuyang mga Kagawad ng Komisyon sa Serbisyo Sibil, Komisyon sa Halalan, at Komisyon sa Awdit ay dapat magpatuloy sa panunungkulan sa loob ng isang taon pagkaraang maratipikahan ang Konstitusyong ito, matangi kung maalis nang lalong maaga bunga ng makatwirang kadahilanan, o mabalda upang di na magampanan ang mga tungkulin ng kanilang katungkulan, o mahirang sa bagong taning ng panunungkulan doon. Kailanman, ang sino mang Kagawad ay hindi dapat maglingkod nang matagal kaysa pitong taon kasama ang paglilingkod bago maratipikahan ang Konstitusyong ito.
SEKSYON 16
Ang mga Kawani ng career civil service na itiniwalag sa lingkuran nang hindi sa makatwirang kadahilanan kundi bilang resulta ng reorganisasyon na naaalinsunod sa Proklamasyon Blg. 3 na may petsang Marso 25, 1986 at ng reorganisasyon kasunod ng ratipikasyon ng Konstitusyong ito ay dapat tumanggap ng nararapat na sahod sa pagkatiwalag, at ng mga benepisyo sa pagreretiro at iba pang mga benepisyo na nauukol sa kanila sa ilalim ng mga batas na pangkalahatang ipinatutupad sa panahon ng pagtitiwalag sa kanila. Sa halip nito, sa opsyon ng mga kawani, sila ay maaaring isaalang-alang para maemploy sa pamahalaan, o sa alin man sa mga bahagi, mga instrumentaliti, o mga ahensya nito, kasama ang mga korporasyong ari o kontrolado ng Pamahalaan at kanilang mga subsidyari. Sumasaklaw rin ang tadhanang ito sa career officers na ang pagbibitiw ay tinanggap nang naaalinsunod sa umiiral na patakaran.
SEKSYON 17
Hangga’t hindi nagtatadhana ng naiiba ang Kongreso, ang Pangulo ay dapat tumanggap ng sahod na tatlong daang libong piso sa isang taon; ang Pangalawang Pangulo ang Pangulo ng Senado, ang Ispiker ng Kapulungan ng mga Kinatawan, at ang Punong Mahistrado ng Kataastaasang Hukuman, dalawang daa’t apatnapung libong piso bawat isa, ang mga Senador, ang mga Kagawad ng Kapulungan ng mga Kinatawan, ang mga Kasamang Mahistrado ng Kataastaasang Hukuman, at ang mga Tagapangulo ng mga Komisyong Konstitusyonal, dalawang daa’t apat na libong piso bawat isa; at ang mga Kagawad ng mga Komisyong Konstitusyonal, isang daa’t walumpung libong piso bawat isa.
SEKSYON 18
Sa pinakamaagang posibleng panahon, dapat itaas ng Pamahalaan ang antas ng sahod ng iba pang mga opisyal at mga kawani ng pamahalaang pambansa.
SEKSYON 19
Ang lahat ng mga ariarian, mga rekord, kagamitan, mga gusali, mga pasilidad, at iba pang mga ariarian ng alin mang tanggapan o kalupunan na binuwag o nireorganisa sa ilalim ng Proklamasyon Blg. 3 na may petsang Marso 25, 1986 o ng Konstitusyong ito ay dapat ilipat sa tanggapan o kalupunan na kinauukulan ng malaking bahagi ng mga kapangyarihan, mga gawain, at mga pananagutan nito.
SEKSYON 20
Dapat pag-ukulan ng prayoriti ng unang Kongreso ang pagtatakda ng panahon para sa lubos na pagpapatupad ng libreng pambayan na edukasyong sekundarya.
SEKSYON 21
Dapat magtadhana ang Kongreso ng mabisang prosidyur at sapat na mga remedyo para sa rebersyon sa Estado ng lahat ng mga lupaing aring-bayan at mga karapatang real na kaugnay niyon na nakuha nang labag sa Konstitusyon o sa mga batas sa lupaing pambayan, o sa pamamagitan ng corrupt practices. Hindi dapat ipahintulot ang paglilipat o disposisyon ng gayong mga lupain o mga karapatang real hangga’t hindi lumilipas ang isang taon mula sa ratipiskasyon ng Konstitusyong ito.
SEKSYON 22
Sa pinakamaagang posibleng panahon, dapat iyekspropreyt ng pamahalaan ang tiwangwang o pinabayaang mga lupaing pang-agrikultura, gaya ng maaaring pagpapakahulugan ng batas, para maipamahagi sa mga benepisyaryo ng programa sa repormang agraryan.
SEKSYON 23
Ang mga adbertaysing entity na apektado ng talataan (2), Seksyon 11 ng Artikulo XVI ng Konstitusyong ito ay bibigyan ng limang taon mula sa ratipikasyon nito na tumupad nang bai-baitang at sa baseng proporsyonal sa minimum na pagmamay-aring Pilipino na kinakailangan para roon.
SEKSYON 24
Dapat lansagin ang mga pribadong armi at iba pang mga armadong pangkat na hindi kinikilala ng awtoridad na itinatag gaya ng nararapat. Ang lahat ng mga pwersang para-militar, kabilang ang Civilian Home Defense Forces, na hindi naaayon sa armadong hukbo ng mga mamamayan na itinatag sa Konstitusyong ito ay dapat buwagin, o gawin, saan man naaangkop, na mga hukbong regular.
SEKSYON 25
Sa pagwawakas sa 1991 ng Kasunduan ng Republika ng Pilipinas at ng United States of America tungkol sa mga Base Militar, ang mga dayuhang base militar, mga tropa o mga pasilidad ay hindi dapat pahintulutan sa Pilipinas maliban sa ilalim ng mga termino ng kasunduang-bansa na kinatigan gaya ng nararapat ng Senado, at kung hiningi ng Kongreso ay niratipikahan sa pamamagitan ng mayoryang boto ng mga mamamayan sa isang reperendum na iniraos para sa layuning iyon, at kinikilalang kasunduang-bansa ng kabilang panig na nakikipagkasunduang Estado.
SEKSYON 26
Ang ano mang awtoridad sa pag-iisyu ng sikwestresyon o atas sa pagpigil sa ilalim ng Proklamasyon Blg. 3, may petsang Marso 25, 1986 kaugnay sa pagbawi ng kayamanang nakuha sa masamang paraan ay mamamalaging ipinatutupad sa loob ng hindi hihigit sa labingwalong buwan pagkaraang maratipikahan ang Konstitusyong ito. Gayon man, para sa kapakanang pambansa, gayang pagkasertipika ng Pangulo, maaaring palugitan ng Kongreso ang naturang panahon.
Ang order sa sikwestresyon o pagpigil ay dapat lamang iisyu pagkapakita ng kasong prima facie. Ang order at ang listahan ng mga ariariang sinekwester o pinigil ay dapat irehistro kasunod niyon sa mga kaukulang hukuman. Ukol sa mga order na inisyu bago maratipikahan ang Konstitusyong ito, dapat iharap ang kaukulang aksyon o kaparaanang panghukuman sa loob ng anim na buwan sa ratipikasyon nito. Tungkol sa mga inisyu pagkaraan ng gayong ratipikasyon, ang aksyon o kaparaanang panghukuman ay dapat iharap sa loob ng anim na buwan mula sa pagkaisyu niyon.
Ang sikwestresyon o atas sa pagpigil ay itinuturing na awtomatikong binawi kung walang sinimulang aksyon o kaparaanang panghukuman ayon sa itinatakda rito.
SEKSYON 27
Ang Konstitusyong ito ay dapat kagyat na magkabisa sa sandaling maratipikahan ng mayoryang boto sa isang plebisito na itinawag para sa layuning iyon at dapat pumalit sa lahat ng naunang mga Konstitusyon.