Talaan ng mga Nilalaman
SEKSYON 1
Ang bandila ng Pilipinas ay dapat na pula, puti at bughaw, na may isang araw at tatlong bituin, na dinadakila at iginagalang ng sambayanan at kinikilala ng batas.
SEKSYON 2
Ang Kongreso, sa pamamagitan ng batas, ay maaaring magpatibay ng isang bagong pangalan ng bansa, isang pambansang awit, o isang pambansang sagisag, na pawang tunay na naglalarawan at sumisimbulo ng mga mithiin, kasaysayan, at mga tradisyon ng sambayanan. Ang nasabing batas ay dapat magkabisa lamang pagkaratipika ng sambayanan sa isang pambansang reperendum.
SEKSYON 3
Hindi maaaring ihabla ang Estado nang wala itong pahintulot.
SEKSYON 4
Ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas ay dapat buuin ng isang armadong pwersa ng mga mamamayan na sasailalim ng pagsasanay militar at maglilingkod ayon sa maaaring itadhana ng batas. Ito ay dapat magpanatili ng isang regular na pwersang kinakailangan para sa kaseguruhan ng Estado.
SEKSYON 5
(1) Ang lahat ng mga miyembro ng sandatahang lakas ay dapat manumpa nang taimtim o magpatotoo na ipagsasanggalang at ipagtatanggol ang Konstitusyong ito.
(2) Dapat patatagin ng Estado ang diwang makabayan at ang makabansang kamalayan ng militar, at ang paggalang sa mga karapatan ng mga mamamayan sa pagtupad ng kanilang tungkulin.
(3) Ang propesyonalismo sa sandatahang lakas at sapat na remunerasyon at mga benepisyo ng mga myembro nito ang dapat maging pangunahing kaabalahan ng Estado. Ang sandatahang lakas ay dapat mabukod; sa mga pulitikang partisan.
Walang sino mang myembro ng militar ang dapat na tuwiran o di tuwirang makilahok sa alin mang gawaing pampulitikang partisan, maliban sa pagboto.
(4) Ang sino mang kaanib ng sandatahang lakas na nasa aktibong paglilingkod ay hindi kailanman dapat hirangin o italaga sa alin mang tungkulin sa isang katungkulang sibilyan sa Pamahalaan gayon din sa mga korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan sa alinmang mga sangay nila.
(5) Hindi dapat ipahintulot ng mga batas sa pagreretiro ng mga pinunong militar ang pagpapalugit sa kanilang paglilingkod.
(6) Ang mga pinuno at mga tauhan ng regular na pwersa ng sandatahang lakas ay dapat rekrutin nang proporsyonal mula sa lahat ng mga lalawigan at mga lungsod hangga’t maaari.
(7) Ang panunungkulan ng Chief-of-Staff ng sandatahang lakas ay hindi dapat lumampas sa tatlong taon. Gayon man, sa panahon ng digmaan o iba pang kagipitang pambansa na idineklara ng Kongreso, maaaring palugitan ng Pangulo ang gayong panunungkulan.
SEKSYON 6
Dapat magtatag at magpanatili ang Estado ng isang pwersa ng pulisya na pambansa ang saklaw at sibilyan ang uri na pangangasiwaan at pamamahalaan ng isang pambansang komisyan ng pulisya. Ang awtoridad ng mga tagapagpaganap na lokal sa mga yunit ng pulisya sa kanilang hurisdiksyon ay itatadhana ng batas.
SEKSYON 7
Ang Estado ay dapat maglaan ng kagyat at sapat na pangangalaga, mga benepisyo, at iba pang mga anyo ng tulong sa mga beterano ng digmaan at mga beterano ng mga kampanyang militar, kanilang mga balo at mga naulila. Dapat ilaan ang mga pondo para rito at ang nararapat na pagsasaalang-alang ay dapat ipagkaloob sa kanila sa disposisyon ng mga pambayang lupaing sakahan at, sa nararapat na mga kalagayan, sa pagsasagamit ng mga likas na kayamanan.
SEKSYON 8
Upang mapataas ang mga pensyon at iba pang mga benepisyong nararapat kapwa sa mga retirado ng pamahalaan at ng mga pribadong sektor, ito ay dapat rebyuhin ng Estado sa pana-panahon.
SEKSYON 9
Dapat pangalagaan ng Estado ang mga konsyumer laban sa mga katiwalian sa kalakalan at sa mga substandard o mapanganib na mga produkto.
SEKSYON 10
Dapat maglaan ang Estado ng patakarang pangkapaligiran para sa lubusang pagpapaunlad ng kakayahang Filipino at sa paggitaw ng mga istrukturang pangkomunikasyon na angkop sa mga pangangailangan at mga lunggatiin ng bansa at ng timbang na daloy ng impormasyon sa loob at labas ng bansa batay sa patakaran na gumagalang sa kalagayan ng pananalita at ng pamahayagan.
SEKSYON 11
(1) Ang pagmamay-ari at pamamahala ng mass media ay dapat na limitado lamang sa mga mamamayan ng Pilipinas, o sa mga korporasyon, mga kooperatiba, o mga asosasyong ganap na ari at pinamamahalaan ng gayong mga mamamayan.
Dapat regulahin o ipagbawal ng Kongreso ang mga monopoli sa komersyal na mass media kapag hinihingi ng kapakanang pambayan. Hindi dapat pahintulutan ang mga kombinasyong pumipinsala sa kalakalan o sa kompitensyang di makatwiran.
(2) Ang industrya ng adbertaysing, na nakikintalan ng kapakanang pambayan, ay dapat regulahin ng batas para sa proteksyon ng mga konsyumer at sa pagtataguyod ng kagalingang panlahat. Ang mga mamamayan o mga korporasyon o mga asosasyong Pilipino lamang na pitumpung porsyento man lamang ng kapital ay ari ng gayong mga mamamayan ang pahihintulutang pumasok sa industrya ng adbertaysing.
Ang paglahok ng mga dayuhang mamumuhunan sa namamahalang mga kalupunan ng mga entity sa nasabing industrya ay limitado sa kanilang katumbas na sapi sa puhunan niyon, at lahat ng mga pinunong tagapagpaganap at tagapamahala ng nasabing mga entity ay kinakailangang mga mamamayan ng Pilipinas.
SEKSYON 12
Ang Kongreso ay maaaring magtatag ng isang kalupunang mag-papayo sa Pangulo tungkol sa mga patakarang may kinalaman sa mga katutubong pamayanang kultural, na mula sa naturang mga pamayanan ang nakararami sa kanila.