Talaan ng mga Nilalaman
SEKSYON 1
Kinikilala ng Estado ang pamilyang Pilipino na pundasyon ng bansa. Sa gayon, dapat nitong patatagin ang kaisahan ng pamilyang Pilipino at aktibong itaguyod ang lubos na pag-unlad niyon.
SEKSYON 2
Ang pag-aasawa, na di malalabag na institusyong panlipunan, ay pundasyon ng pamilya at dapat pangalagaan ng Estado.
SEKSYON 3
Dapat isanggalang ng Estado:
(1) Ang karapatan ng mga mag-asawa na magpamilya nang naaayon sa kanilang mga pananalig na panrelihyon at sa mga kinakailangan ng responsableng pagpapamilya;
(2) Ang karapatan ng mga bata na mabigyan ng kalinga, kasama ang wastong pag-aalaga at nutrisyon at natatanging proteksyon sa lahat ng mga anyo ng pagpapabaya, pag-aabuso, pagmamalupit, pagsasamantala at iba pang kondisyong nakapipinsala sa kanilang pag-unlad;
(3) Ang karapatan ng pamilya sa sahod at kita na sapat ikabuhay ng pamilya; at
(4) Ang karapatan ng mga pamilya o ang mga asosasyon nito na lumahok sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga patakaran at mga programa na nakaaapekto sa kanila.
SEKSYON 4
Ang pamilya ay may tungkuling kalingain ang matatandang myembro nito ngunit maaari ring gawin ito ng Estado sa pamamagitan ng makatarungang mga pamaraan ng kapanatagang panlipunan.