ARTIKULO XIV EDUKASYON SYENSYA AT TEKNOLOHYA MGA SINING KULTURA AT ISPORTS

Talaan ng mga Nilalaman

EDUKASYON

SEKSYON 1

Dapat pangalagaan at itaguyod ng Estado ang karapatan ng lahat ng mga mamamayan sa mahusay na edukasyon sa lahat ng antas at dapat magsagawa ng angkop na mga hakbang upang matamo ng lahat ang gayong edukasyon.

SEKSYON 2

Ang Estado ay dapat:

(1) Magtatag, magpanatili, at magtustos ng isang kumpleto, sapat at pinag-isang sistema ng edukasyong naaangkop sa mga pangangailangan ng sambayanan at lipunan;

(2) Magtatag at magpanatili ng isang sistema ng libreng pambayang edukasyon sa elementarya at hayskul. Hindi bilang pagtatakda sa likas na karapatan ng mga magulang sa pag-aaruga ng kanilang mga anak, ang edukasyong elementarya ay sapilitan sa lahat ng mga batang nasa edad ng pagaaral.

(3) Magtatag at magpanatili ng isang sistema ng mga kaloob na iskolarsip, mga programang pautang sa estudyante, mga tulong na salapi at iba pang mga insentibo na dapat ibigay sa karapat-dapat na mga estudyante sa mga paaralang publiko at pribado, lalo na sa mga kulang-palad;

(4) Pasiglahin ang di-pormal, impormal at katutubong mga sistema ng pagkatuto, at gayon din ang mga programang pagkatuto sa sarili, sarilinang pag-aaral at pag-aaral sa labas ng paaralan lalo na yaong tumutugon sa mga pangangailangan ng pamayanan; at

(5) Mag-ukol sa mga mamamayang may sapat na gulang, may kapansanan, at kabataang nasa labas ng paaralan ng pagsasanay sa sibika, kahusayang bokasyonal at iba pang mga kasanayan.

SEKSYON 3

(1) Dapat maging bahagi ng kurikula ang pag-aaral ng Konstitusyon sa lahat ng mga institusyong pang-edukasyon.

(2) Dapat nilang ikintal ang pagkamakabayan at nasyonalismo, ihasik ang pag-ibig sa sangkatauhan, paggalang sa mga karapatang pantao, pagpapahalaga sa gampanin ng mga pambansang bayani sa historikal na pagpapaunlad ng bansa, ituro ang mga karapatan at mga tungkulin ng pagkamamamayan, patatagin ang mga pagpapahalagang etikal at espiritwal, linangin ang karakter na moral at disiplinang pansarili, pasiglahin ang kaisipang mapanuri at malikhain, palawakin ang kaalamang syentipiko at teknolohikal, at itaguyod ang kahusayang bokasyonal;

(3) Sa opsyong nakalahad nang nakasulat ng mga magulang o mga tagakupkop, dapat pahintulutang ituro ang relihyon sa kanilang mga anak o mga ampon sa mga pambayang paaralang elementarya at hayskul sa regular na mga oras ng klase ng mga tagapagturong itinalaga o pinahintulutan ng relihyosong awtoridad ng relihyong kinaaniban ng mga anak o mga ampon, nang walang dagdag na gastos ang pamahalaan.

SEKSYON 4

(1) Kinikilala ng Estado ang mga gampaning komplimentaryo ng mga institusyong publiko at pribado sa sistemang pang-edukasyon at dapat itong tumupad ng makatwirang superbisyon at regulasyon sa lahat ng mga institusyong pang-edukasyon.

(2) Ang mga institusyong pang-edukasyon, bukod sa mga itinatag ng mga angkat na relihyoso at mga kalupunang misyon, ay dapat na ari lamang ng mga mamamayan ng Pilipinas o ng mga korporasyon o mga asosasyon na ang animnapung bahagdan man lamang ng puhunan nito ay ari ng gayong mga mamamayan. Gayon man, maaaring itakda ng Kongreso ang karagdagang lahok na ekwiting Pilipino sa lahat ng mga institusyong pang-edukasyon.

Dapat sumakamay ng mga mamamayan ng Pilipinas ang kontrol at administrasyon ng mga institusyong pang-edukasyon.

Hindi dapat matatag ang ano mang institusyong pang-edukasyon na eksklusibong para sa mga dayuhan at hindi dapat humigit sa isang-katlo ng enrolment sa alinmang paaralan ang ano mang pangkat ng mga dayuhan. Ang mga tadhana ng subseksyong ito ay hindi sasaklaw sa mga paaralang itinatag para sa mga dayuhan na tauhang diplomatiko at kanilang mga dependent at, matangi kung naiiba ang itinatadhana ng batas, para sa iba pang mga dayuhan na pansamantalang naninirahan dito.

(3) Ang lahat ng mga rebenyu at mga aset ng mga institusyong pang-edukasyon na di-sapian, di-pampakinabang at ginamit nang aktwal, tuwiran at eksklusibo para sa mga layuning pang-edukasyon ay dapat malibre sa mga bwis at mga bayarin sa kalakal. Sa sandaling mabuwag o maputol ang buhay-korporasyon ng gayong mga institusyon, dapat madispos ang kanilang mga aset sa paraang itinatadhana ng batas.

Maaari ring magkaroon ng karapatan ang mga institusyong pang-edukasyon na propryetari pati yaong mga ari ng kooperatiba sa gayong mga pagkalibre salig sa mga katakdaang itinatadhana ng batas kabilang ang mga pagtatakda sa mga dibidendo at mga tadhana para sa muling pamumuhunan.

(4) Batay sa mga kondisyong itinatakda ng batas, dapat malibre sa bwis ang lahat ng mga kaloob, mga endowment, mga donasyon, o mga kontribusyon na ginamit nang aktwal, tuwiran, at eksklusibo para sa mga layuning pang-edukasyon.

SEKSYON 5

(1) Dapat isaalang-alang ng Estado ang mga pangangailangan at kalagayang panrehyon at pansektor at dapat pasiglahin ang lokal na pagpaplano sa pagbubuo ng mga patakaran at mga programang pang-edukasyon.

(2) Dapat tamasahin ang kalagayang akademiko sa lahat ng mga institusyon ng lalong mataas na karunungan.

(3) Ang bawat mamamayan ay may karapatang pumili ng propesyon o kurso ng pag-aaral, salig sa karampatan, makatwiran at ekwitableng mga kinakailangan sa pagpasok at mga pangangailangang akademiko.

(4) Dapat patingkarin ng Estado ang karapatan ng mga guro sa pagsulong na propesyonal. Dapat magtamasa ng proteksyon ng Estado ang mga tauhang akademiko na di-nagtuturo at mga tauhang di-akademiko.

(5) Dapat mag-ukol ang Estado ng pinakamataas na prayoriti sa pagbabadyet sa edukasyon at seguruhin na magaganyak at mapamamalagi ng pagtuturo ang nararapat na kaparte nito sa pinakamahuhusay na mga talino sa pamamagitan ng sapat na gantimpagal at iba pang paraan ng kasiyahan at katuparan sa gawain.

WIKA

SEKSYON 6

Ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nalilinang, ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na mga wika ng Pilipinas at sa iba pang mga wika.

Alinsunod sa mga tadhana ng batas at sang-ayon sa nararapat na maaaring ipasya ng Kongreso, dapat magsagawa ng mga hakbangin ang Pamahalaan upang ibunsod at puspusang itaguyod ang paggamit ng Filipino bilang midyum ng opisyal na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa Sistemang pang-edukasyon.

SEKSYON 7

Ukol sa mga layunin ng komunikasyon at pagtuturo, ang mga wikang opisyal ng Pilipinas ay Filipino at, hangga’t walang ibang itinatadhana ang batas, Ingles. Ang mga wikang panrehyon ay pantulong na mga wikang opisyal sa mga rehyon at magsisilbi na pantulong na mga wikang panturo roon. Dapat itaguyod nang kusa at opsyonal ang Kastila at Arabic.

SEKSYON 8

Ang Konstitusyong ito ay dapat ipahayag sa Filipino at Ingles at dapat isalin sa mga pangunahing wikang panrehyon, Arabic, at Kastila.

SEKSYON 9

Dapat magtatag ang Kongreso ng isang komisyon ng wikang pambansa na binubuo ng mga kinatawan ng iba’t ibang mga rehyon at mga disiplina na magsasagawa, mag-uugnay at magtataguyod ng mga pananaliksik sa Filipino at iba pang mga wika para sa kanilang pagpapaunlad, pagpapalaganap at pagpapanatili.

SYENSYA AT TEKNOLOHYA

SEKSYON 10

Napakahalaga ng syensya at teknolohya sa pambansang pag-unlad at pagsulong. Dapat mag-ukol ng prayoriti ang Estado sa pananaliksik at pagbubuo, imbensyon, inobasyon, at sa pagsasagamit ng mga ito; at sa edukasyon, pagsasanay at mga lingkurang pansyensya at panteknolohya. Dapat suportahan nito ang mga kakayahang syentipiko at teknolohikal na katutubo, angkop at umaasa sa sariling kakayahan at ang kanilang kabagayan sa mga sistemang pamproduksyon at pambansang kapamuhayang pambansa.

SEKSYON 11

Maaaring magtadhana ang Kongreso para sa mga insentibo, kasama ang mga kabawasan sa bwis, upang maganyak ang paglahok na pribado sa mga programa ng batayan at gamiting pananaliksik syentipiko. Dapat magkaloob ng mga iskolarsip, kaloob-na-tulong, o iba pang mga anyo ng mga insentibo sa mga karapat-dapat na estudyante sa syensya, mga mananaliksik, mga sayantist, mga imbentor, mga teknolodyist, at mga mamamayang may natatanging likas na talino.

SEKSYON 12

Dapat regulahin ng Estado ang paglilipat at itaguyod ang pag-aangkop ng teknolohya mula sa lahat ng batis para sa pambansang kapakinabangan. Dapat pasiglahin nito ang pinakamalawak na paglahok ng mga pribadong pangkat, mga pamahalaang lokal, at mga organisasyong salig-pamayanan sa paglikha, at pagsasagamit ng syensya at teknolohya.

SEKSYON 13

Dapat pangalagaan at seguruhin ng Estado ang mga eksklusibong karapatan ng mga sayantist, mga imbentor, mga artist at iba pang mga mamamayang may likas na talino sa kanilang ari at mga likhang intelektwal, lalo na kung kapaki-pakinabang sa sambayanan para sa panahong maaaring itakda ng batas.

MGA SINING AT KULTURA

SEKSYON 14

Dapat itaguyod ng Estado ang pangangalaga, pagpapayaman at dinamikong ebolusyon ng isang pambansang kulturang Pilipino salig sa simulaing pagkakaisa sa pagkakaiba-iba sa kaligirang malaya, artistiko at intelektwal na pagpapahayag.

SEKSYON 15

Dapat tangkilikin ng Estado ang mga sining at panitikan. Dapat pangalagaan, itaguyod, at ipalaganap ng Estado ang pamanang historikal at kultural at ang mga likha at mga kayamanang batis artistiko ng bansa.

SEKSYON 16

Ang lahat ng mga kayamanang artistiko at historiko ng bansa ay bumubuo sa kayamanang kultural nito ay dapat pangalagaan ng Estado na maaaring magregula sa disposisyon nito.

SEKSYON 17

Dapat kilalanin, igalang, at pangalagaan ng Estado ang mga karapatan ng mga katutubong pamayanang kultural sa pagpapanatili at pagpapayaman ng kanilang mga kultura, mga tradisyon at mga institusyon. Dapat isaalang-alang nito ang mga karapatang ito sa pagbabalangkas ng mga pambansang plano at mga patakaran.

SEKSYON 18

(1) Dapat seguruhin ng Estado ang pantay na pagtatamo ng mga pagkakataong kultural sa pamamagitan ng sistemang pang-edukasyon, mga kultural na entity na publiko o pribado, at mga iskolarsip, mga kaloob at iba pang mga insentibo, at mga pampamayanang sentrong kultural at iba pang mga tanghalang pangmadla.

(2) Dapat pasiglahin at tangkilikin ng Estado ang mga pananaliksik at mga pag-aaral tungkol sa mga sining at kultura.

ISPORTS

SEKSYON 19

(1) Dapat itaguyod ng Estado ang edukasyong pisikal at pasiglahin ang mga programang pang-isports, mga paligsahang panliga at mga amatyur isports, kasama ang pagsasanay para sa mga paligsahang pandaigdig, upang maisulong ang disiplina sa sarili, pagtutulungan ng magkakasama at kahusayan para sa pagbubuo ng kapamayanang malusog at mulat.

(2) Ang lahat ng mga institusyong pang-edukasyon ay dapat magsagawa ng regular na mga gawaing pang-isports sa buong bansa sa pakikipagtulungan sa mga samahan sa palaro at iba pang mga sektor.

Nakaraan
Susunod