ARTIKULO XIII KATARUNGANG PANLIPUNAN AT MGA KARAPATANG PANTAO

Talaan ng mga Nilalaman

SEKSYON 1

Dapat pag-ukulan ng Kongreso ng pinakamataas na prayoriti ang pagsasabatas ng mga hakbangin na mangangalaga at magpapatingkad sa karapatan ng lahat ng mga mamamayan sa dignidad na pantao, magbabawas sa mga di pagkakapantay-pantay na panlipunan, pangkabuhayan at pampulitika, at papawi sa mga di pagkakapantay-pantay na pangkalinangan sa pamamagitan ng ekwitableng pagpapalaganap ng kayamanan at kapangyarihang pampulitika para sa kabutihan ng lahat.

Tungo sa mga mithiing ito, dapat regulahin ng Estado ang pagtatamo, pagmamay-ari, paggamit, at paglilipat ng ariarian at ng mga bunga nito.

SEKSYON 2

Dapat na kalakip sa pagtataguyod ng katarungang panlipunan ang komitment sa paglikha ng mga pagkakataong ekonomiko na nasasalig sa kalayaan sa pagpapatiuna at pagtitiwala sa sariling kakayahan.

PAGGAWA

SEKSYON 3

Dapat magkaloob ang Estado ng lubos na proteksyon sa paggawa, sa lokal at sa ibayong dagat, organisado at di organisado, at dapat itaguyod ang puspusang employment at pantay na mga pagkakataon sa employment para sa lahat.

Dapat nitong garantyahan ang, mga karapatan ng lahat ng mga manggagawa sa pagtatatag ng sariling organisasyon, sama-samang pakikipagkasundo at negosasyon, mapayapa at magkakaugnay na pagkilos, kasama ang karapatang magwelga nang naaalinsunod sa batas. Dapat na may karapatan sila sa katatagan sa trabaho, sa makataong mga kalagayan sa trabaho, at sa sahod na sapat ikabuhay. Dapat din silang lumahok sa mga proseso ng pagbabalangkas ng patakaran at desisyon na may kinalaman sa kanilang mga karapatan at benepisyo ayon sa maaaring itadhana ng batas.

Dapat itaguyod ng Estado ang prinsipyong hatiang pananagutan ng mga manggagawa at mga employer at ang preperensyal na paggamit ng boluntaryong mga pamamaraan ng pagsasaayos sa mga hidwaan, kabilang ang konsilyasyon, at dapat ipatupad ang pagtalima rito ng isa’t isa upang maisulong ang katiwasayang industryal.

Dapat regulahin ng Estado ang ugnayan ng mga manggagawa at mga employer, dahil sa pagkilala sa karapatan ng paggawa sa karampatang kaparte nito sa mga bunga ng produksyon at sa karapatan ng mga negosyo sa makatwirang tubo sa mga pamumuhunan, at sa paglawak at paglago.

REPORMANG PANSAKAHAN AT PANLIKAS NA KAYAMANAN

SEKSYON 4

Dapat magsagawa ang Estado, sa pamamagitan ng batas, ng programa sa repormang pansakahan na nakasalig sa karapatan ng mga magsasaka at mga regular na manggagawa sa bukid, na mga walang lupa, na tuwiran o sama-samang magmay-ari ng mga lupang kanilang sinasaka o, sa kalagayan ng iba pang mga manggagawa sa bukid, tumanggap ng karampatang kaparte sa mga bunga niyon. Tungo sa layuning ito, dapat magpasigla at magsagawa ang Estado ng makatwirang pamamahagi ng lahat ng mga lupang pansakahan, na sasailalim sa mga prayoriti at sa makatwirang mapananatiling mga sukat na maaaring itakda ng Kongreso, na nagsasaalang-alang sa mga konsiderasyong pang-ikolodyi, pangkaunlaran o pagkamakatarungan, at batay sa pagbabayad ng makatwirang kabayaran. Dapat igalang ng Estado ang mga karapatan ng maliliit na may-ari ng lupa sa pagtatakda ng mga retensyon limit. Dapat ding maglaan ang Estado ng mga insentibo para sa boluntaryong pagbabahagi ng lupa.

SEKSYON 5

Dapat kilalanin ng Estado ang karapatan ng mga magsasaka, mga manggagawa sa bukid, at mga may-ari ng lupa, gayon din ng mga magsasaka na lumahok sa pagpaplano, pagbuo, at pamamahala ng programa, at dapat maglaan ng suporta sa pagsasaka sa pamamagitan ng angkop na teknolohya at pananaliksik, at sapat na mga lingkuran sa pananalapi, produksyon, pagsasapamilihan, at iba pang mga lingkurang pantulong.

SEKSYON 6

Dapat ipatupad ng Estado ang mga simulain ng repormang pansakahan o stewardship kailanma’t mapaiiral nang naaalinsunod sa batas sa pamamahagi o paggamit ng iba pang mga likas na kayamanan, kasama ang mga lupaing pambayan na angkop sa pagsasaka sa ilalim ng pamumwisan o konsesyon, batay sa mga karapatang nauuna, mga karapatan sa homested ng maliliit na nananahanan, at mga karapatan ng katutubong mga pamayanan sa kanilang minanang mga lupain.

Maaaring ipanahanan ng Estado ang mga magsasakang walang lupa at ang mga manggagawa sa bukid sa sarili nitong mga lupaing pansakahan na ipamahagi sa kanila sa paraang itinatakda ng batas.

SEKSYON 7

Dapat pangalagaan ng Estado ang mga karapatan ng mga mangingisdang tawid-buhay, lalo na ng mga lokal na pamayanan, sa may pagtatanging paggamit ng mga kayamanan sa tubig at pangisdaan na para sa lahat, kapwa sa mga tubigang panloob at sa dagat. Dapat na maglaan ito ng suporta sa mga mangingisdang iyon sa pamamagitan ng angkop- na teknolohya at pananaliksik, sapat na tulong na nauukol sa pananalapi, produksyon at pagsasapamilihan, at iba pang mga lingkuran. Dapat ding pangalagaan, paunlarin at ikonserba ng Estado ang mga kayamanang iyon. Dapat umabot ang pangangalaga sa mga pangisdaan sa dagat ng mga mangingisdang tawid-buhay laban sa pagpasok ng dayuhan. Dapat tumanggap ang mga manggagawa sa pangisdaan ng karampatang kaparte sa kanilang pagtatrabaho sa pakinabang sa mga kayamanan sa tubig at pangisdaan.

SEKSYON 8

Dapat maglaan ang Estado ng mga insentibo sa mga may-ari ng lupa sa pamumuhunan ng tinanggap na kabayaran sa programa sa repormang pansakahan upang itaguyod ang industryalisasyon, lumikha ng mga hanapbuhay, at isapribado ang mga negosyo ng sektor publiko. Ang mga kasangkapang pampananalapi na ginamit na kabayaran sa kanilang mga lupain ay dapat tanggaping ekwiti sa kanilang piniling mga negosyo.

REPORMA SA LUPANG URBAN AT SA PABAHAY

SEKSYON 9

Dapat magsagawa ang Estado, sa pamamagitan ng batas at para sa kabutihan ng lahat, sa pakikipagtulungan sa pribadong sektor, ng patuluyang programa sa reporma sa lupang urban at sa pabahay na magbibigay ng makakayanang disenteng pabahay at mga pangunahing paglilingkod sa mga mamamayang dukha at walang tahanan sa mga sentrong urban at mga panahanang pook. Dapat ding itaguyod nito ang sapat na mga pagkakataon sa hanapbuhay sa mga mamamayang iyon. Dapat igalang ng Estado ang mga karapatan ng mga may-ari ng maliliit na ari-arian sa implementasyon ng programang iyon.

SEKSYON 10

Hindi dapat paalisin ni gibain ang mga tirahan ng nagsisipanirahan na mga dukhang urban o rural maliban kung naaayon sa batas at sa paraang makatarungan at makatao.

Hindi dapat ilipat ng tirahan ang nagsisipanirahan na mga dukhang urban o rural nang walang sapat na pakikipagsanggunian sa kanila at sa mga pamayanang paglilipatan sa kanila.

KALUSUGAN

SEKSYON 11

Dapat magsagawa ang Estado ng pinag-isa at komprehensibong lapit sa pagpapaunlad ng kalusugan na magbibigay ng mga pangunahing pangangailangan, mga lingkurang pangkalusugan at iba pang mga lingkurang panlipunan na makakayanan ng lahat ng mga mamamayan. Dapat magkaroon ng prayoriti para sa mga pangangailangan ng mahihirap na maysakit, matatanda, may-kapansanan, mga babae, at mga bata. Dapat sikapin ng Estado na makapagkaloob ng libreng panggagamot sa mga pulubi.

SEKSYON 12

Dapat magtatag at magpanatili ang Estado ng mabisang sistema ng pangangasiwa sa pagkain at gamot at magsagawa ng angkop na pagpapaunlad at pananaliksik sa laang-bisig sa kalusugan na tumutugon sa mga pangangailaan at suliranin sa kalusugan ng bansa.

SEKSYON 13

Dapat magtatag ang Estado ng isang natatanging tanggapan para sa mga taong baldado para sa kanilang mga rehabilitasyon, sariling pagpapaunlad, at pagtitiwala sa sariling kakayahan, at sa kanilang pakikiisa sa kabuuang daloy ng lipunan.

KABABAIHAN

SEKSYON 14

Dapat pangalagaan ng Estado ang mga kababaihang nagtatrabaho sa pamamagitan ng paglalaan ng ligtas at nakapagpapalusog na mga kalagayan sa pagtatrabaho, na nagsasaalang-alang ng kanilang mga gawain bilang ina, at ng mga kaluwagan at mga pagkakataon na nagpapatingkad sa kanilang ikagagaling at ikagiginhawa upang matamo ang kanilang ganap na potensyal sa paglilingkod sa bansa.

ANG BAHAGING GINAGAMPANAN AT MGA KARAPATAN NG MGA ORGANISASYON NG SAMBAYANAN

SEKSYON 15

Dapat igalang ng Estado ang bahaging ginagampanan ng malayang mga organisasyon ng sambayanan upang matamo at mapangalagaan ng mga taong-bayan, sa loob ng balangkas na demokratiko, ang kanilang lehitimo at sama-samang mga interes at hangarin sa pamamagitan ng paraang mapayapa at naaayon sa batas.

Ang mga organisasyon ng sambayanan ay mga asosasyong bona fide ng mga mamamayan na may subok na kakayahang itaguyod ang kapakanang pambayan at may mapagkikilalang pamiminuno, kasapian at istruktura.

SEKSYON 16

Hindi dapat bawahan ang karapatan ng sambayanan at ng kanilang mga organisasyon sa mabisa at makatwirang pakikilahok sa lahat ng mga antas ng pagpapasyang panlipunan, pampulitika at pangkabuhayan. Dapat padaliin ng Estado, sa pamamagitan ng batas, ang pagtatatag ng sapat na mga pamamaraan sa pakikipagsanggunian.

MGA KARAPATANG PANTAO

Ang Komisyon sa Mga Karapatang Pantao

SEKSYON 17

(1) Nililikha sa pamamagitan nito ang isang malayang tanggapan na tatawaging Komisyon sa mga Karapatang Pantao.

(2) Ang Komisyon ay dapat buuin ng isang Tagapangulo at apat na mga Kagawad na kinakailangang mga katutubong inianak na mamamayan ng Pilipinas at ang mayorya nito ay dapat na mga kabilang sa Philippine Bar. Dapat itadhana ng batas ang taning na panahon ng panunungkulan at ang iba pang mga kwalipikasyon at mga disabiliti ng mga kagawad ng Komisyon.

(3) Hangga’t hindi nabubuo ang Komisyong ito, ang kasalukuyang Pampanguluhang Komite sa mga Karapatang Pantao ay dapat magpatuloy sa pagtupad ng kasalukuyang mga gawain at kapangyarihan nito.

(4) Dapat na kusa at regular na ipalabas ang pinagtibay na taunang laang-gugulin ng Komisyon.

SEKSYON 18

Dapat magkaroon ang Komisyon sa mga Karapatang Pantao ng sumusunod na mga kapangyarihan at mga gawain:

(1) Magsiyasat, sa kusa nito o sa sumbong ng alin mang panig, ng lahat ng uri ng mga paglabag sa mga karapatang pantao na kinapapalooban ng mga karapatang sibil at pulitikal;

(2) Maglagda ng mga panuntunan sa pamalakad, at mga tuntunin ng pamamaraan nito, at magharap ng sakdal na paglapastangan ukol sa mga paglabag dito nang naaalinsunod sa mga Tuntunin ng Hukuman;

(3) Magtakda ng angkop na mga hakbangin na naaayon sa batas para sa pangangalaga ng mga karapatang pantao ng lahat ng mga tao sa Pilipinas, at gayon din ng mga Pilipino na naninirahan sa ibang bansa, at magtakda ng mga panagkang hakbangin, at mga paglilingkod na tulong legal sa mga kulangpalad na ang mga karapatang pantao ay nilabag o nangangailangan ng proteksyon;

(4) Tumupad ng mga kapangyarihan sa pagdalaw sa mga piitan, mga bilangguan, o mga pasilidad sa detensyon;

(5) Magtatag ng patuluyang programa sa pananaliksik, edukasyon at impormasyon upang mapatingkad ang paggalang sa pagkapangunahin ng mga karapatang pantao;

(6) Magrekomenda sa Kongreso ng mabisang mga hakbangin upang ma-itaguyod ang mga karapatang pantao at maglaan para sa mga bayad-pinsala sa mga biktima, o sa kanilang mga pamilya, ng mga paglabag sa mga karapatang pantao;

(7) Subaybayan ang pagtalima ng Pamahalaan ng Pilipinas sa mga pananagutan sa pandaigdig na kasunduang-bansa hinggil sa mga karapatang pantao;

(8) Magkaloob ng imyuniti sa pag-uusig sa sino mang tao na ang testimonyo o ang pag-iingat ng mga dokumento o iba pang ebidensya ay kinakailangan o makaluluwag sa pagtiyak ng katotohanan sa alin mang pagsisiyasat na isinagawa nito o sa ilalim ng awtoridad nito;

(9) Hilingin ang tulong ng alin mang kagawaran, kawanihan, tanggapan o sangay sa pagtupad ng mga gawain nito;

(10) Humirang ng mga pinuno at kawani nito nang naaayon sa batas; at

(11) Tumupad ng iba pang mga tungkulin at mga gawain na maaaring itakda ng batas.

SEKSYON 19

Maaaring magtadhana ang Kongreso para sa iba pang mga kaso ng paglabag sa mga karapatang pantao na dapat masaklaw ng awtoridad ng Komisyon, na nagsasaalang-alang sa mga rekomendasyon nito.

Nakaraan
Susunod