Talaan ng mga Nilalaman
SEKSYON 1
Ang mga tunguhin ng pambansang ekonomiya ay higit pang ekwitableng pamamahagi ng mga pagkakataon, kita at kayamanan; sustinadong pagpaparami ng mga kalakal at mga paglilingkod na likha ng bansa para sa kapakinabangan ng sambayanan; at lumalagong pagkaproduktibo bilang susi sa pag-aangat ng uri ng pamumuhay para sa lahat, lalo na sa mga kapuspalad.
Dapat itaguyod ng Estado ang industryalisasyon at pagkakataon na magkahanapbuhay ang lahat batay sa mahusay na pagpapaunlad ng pagsasaka at repormang pansakahan, sa pamamagitan ng mga industrya na gumagamit nang lubusan at episyente sa mga kakayahan ng tao at mga likas na kayamanan, at nakikipagpaligsahan kapwa sa mga pamilihang lokal at dayuhan. Gayon man, dapat pangalagaan ng Estado ang mga negosyong Pilipino laban sa marayang kompitensyang dayuhan at mga nakamihasnan sa pangangalakal.
Sa pagsisikap na matamo ang mga tunguhing ito, dapat bigyan ng lubos na pagkakataong umunlad ang lahat ng mga sektor ekonomiko at mga rehyon ng bansa.
Dapat pasiglahin ang mga pribadong negosyo, pati na mga korporasyon, mga kooperatiba at katularing mga lansakang organisasyon, sa pagpapalawak ng base ng kanilang pagmamay-ari.
SEKSYON 2
Ang lahat ng mga lupaing ari ng bayan, mga tubig, mga mineral, karbon, petrolyo at iba pang mga langis mineral, lahat ng mga lakas ng mga potensyal na enerhya, mga pangisdaan, mga kagubatan o mga kahuyan, buhay-ilang, halaman at hayop, at iba pang mga likas na kayamanan ay ari ng Estado. Hindi maaaring ilipat kanino man ang lahat ng iba pang mga likas na kayamanan maliban sa mga lupaing pansakahan. Dapat sumailalim sa ganap na kontrol at superbisyon ng Estado ang paggalugad, pagpapaunlad, at pagsasagamit ng mga likas na kayamanan. Ang mga gawaing ito ay maaaring tuwirang isagawa ng Estado, o ito ay maaaring makipagkasunduang ko-produksyon, magkasamang pakikipagsapalaran, bakasang produksyon sa mga mamamayang Filipino o sa mga korporasyon o mga asosasyon na ang animnapung porsyento man lamang ng puhunan ay ari ng gayong mga mamamayan. Ang gayong mga kasunduan ay maaaring ukol sa panahong hindi hihigit sa dalawampu’t limang taon, na mapapanibago sa hindi hihigit sa dalawampu’t limang taon, at sa ilalim ng mga termino at mga kondisyon na maaaring itadhana ng batas. Sa kalagayan ng mga karapatan sa patubig, panustos-tubig, mga pangisdaan o mga gamit pang-industrya na iba sa pagpapaunlad ng lakas-tubig, ang gamit na kapaki-pakinabang ang maaring maging sukatan at katakdaan ng pagkakaloob.
Dapat pangalagaan ng Estado ang yamang-dagat ng bansa sa mga karagatang pangkapuluan, dagat teritoryal at eksklusibo na sonang pangkabuhayan nito, at dapat ilaan ang eksklusibong paggamit at pagtatamasa nito sa mga mamamayang Filipino.
Maaaring pahintulutan ng Kongreso sa pamamagitan ng batas ang maliitang pagsasagamit ng mga likas na kayamanan ng mga mamamayang Pilipino, gayon din ang pangkooperatibang pag-aalaga ng isda, na ang prayoriti ay sa tawid-buhay na mga mangingisda at mga manggagawang pangisda sa mga ilog, mga lawa, mga look, at mga dagat-dagatan.
Ang Pangulo ay maaaring makipagkasunduan sa mga korporasyong aring-dayuhan na kinapapalooban ng tulong teknikal o pinansyal para sa malawakang paggalugad, pagpapaunlad, at pagsasagamit ng mga mineral, petrolyo at iba pang mga langis mineral alinsunod sa mga pangkalahatang termino at mga kondisyon na itinatadhana ng batas, batay sa mga tunay na ambag sa pagsulong na pangkabuhayan at sa kagalingang panlahat ng bansa. Sa gayong mga kasunduan, dapat itaguyod ng Estado ang pagpapaunlad at paggamit sa mga lokal na batis syentipiko at teknikal.
Dapat ipagbigay-alam ng Pangulo sa Kongreso ang bawat kontratang pinakipagkayarian alinsunod sa tadhanang ito sa loob ng tatlumpung araw mula sa pagkakapagsagawa nito.
SEKSYON 3
Ang mga lupaing ari ng bayan ay inuuri na pansakahan, kagubatan o kakahuyan, lupaing mineral, at mga pambansang parke. Ang mga lupaing pansakahan na ari ng bayan ay maaaring uriin pa sa pamamagitan ng batas alinsunod sa mga paggagamitan nito. Dapat limitahan sa mga lupaing pansakahan ang maililipat na mga lupaing ari ng bayan. Hindi maaaring humawak ang alin mang pribadong korporasyon o asosasyon ng mga lupaing maililipat na ari ng bayan maliban sa pamamagitan ng lease, sa taning na panahong hindi hihigit sa dalawampu’t limang taon, na mapaninibago sa hindi hihigit sa dalawampu’t limang taon, at hindi lalabis sa isang libong ektaryang sukat. Ang mga mamamayan ng Pilipinas ay maaring mag-lease nang hindi lalabis sa limang daang ektarya, o magtamo sa pamamagitan ng pagbili, homested, o kaloob, nang hindi lalabis sa labindalawang ektarya niyon. Dapat itakda ng Kongreso, sa pagsasaalang-alang sa mga pangangailangan sa pangangalaga, ekolodyi at pagpapaunlad at alinsunod sa mga hinihingi ng repormang pansakahan, sa pamamagitan ng batas, ang sukat ng mga lupaing ari ng bayan na maaaring tamuhin, paunlarin, hawakan, o paupahan at ang mga kondisyon niyon.
SEKSYON 4
Dapat magtakda ang Kongreso, sa pamamagitan ng batas sa lalong madaling panahon ng mga tiyak na saklaw ng mga lupaing kagubatan at mga pambansang parke, na malinaw na magtatakda ng kanilang mga hanggahan sa lupa. Pagkatapos noon, ang gayong mga lupaing kagubatan at mga pambansang parke ay dapat ikonserba at hindi maaaring dagdagan ni bawasan, maliban sa pamamagitan ng batas. Dapat magtakda ang Kongreso, para sa panahong maaaring ipasya nito, ng mga batas na magbabawal ng pagtotroso sa mga nanganganib na kagubatan at mga sakop ng watershed.
SEKSYON 5
Dapat pangalagaan ng Estado, batay sa mga tadhana ng Konstitusyong ito at sa mga patakaran at mga programa sa pagpapaunlad ng bansa, ang mga karapatan ng mga katutubong pamayanang kultural sa kanilang mga minanang lupain upang matiyak ang kanilang kagalingang ekonomiko, panlipunan at pangkultura.
Maaaring magtakda ang Kongreso para sa pagpapairal ng mga nakaugaliang batas hinggil sa mga karapatan o mga ugnayan sa ariarian sa pagtiyak sa pagmamay-ari at saklaw ng minanang lupain.
SEKSYON 6
Ang paggamit ng ariarian ay may nauukol na tungkuling sosyal, at lahat ng mga kinatawang pangkabuhayan ay dapat mag-ambag sa kabutihang panlahat. Dapat magkaroon ng karapatan ang mga indibidwal at mga pribadong pangkat, kabilang ang mga korporasyon, mga kooperatiba, at katularing mga lansakang organisasyon, na magmay-ari, magtatag at magpalakad ng mga negosyong pangkabuhayan, sa saklaw ng tungkulin ng Estado na itaguyod ang marapat na katarungan at manghimasok kapag hinihingi ng kabutihang panlahat.
SEKSYON 7
Hindi dapat malipat o masalin ang ano mang pribadong lupain maliban sa pagmamana, at sa mga tao, mga korporasyon o mga asosasyon na may karapatang magtamo o maghawak ng mga lupaing ari ng bayan.
SEKSYON 8
Sa kabila ng mga tadhana ng Seksyon 7 ng Artikulong ito, ang isang katutubong inianak na mamamayan ng Pilipinas na nawalan ng pagkamamamayang Pilipino ay maaaring paglipatan ng mga lupaing pribado, batay sa mga katakdaang itinatadhana ng batas.
SEKSYON 9
Maaaring magtatag ang Kongreso ng isang malayang sangay sa ekonomiya at pagpaplano na pamumunuan ng Pangulo, na dapat magtagubilin sa Kongreso matapos makipagsanggunian sa angkop na mga sangay pambayan, sa iba’t ibang pribadong sektor, at sa mga yunit ng pamahalaang lokal, at magsakatuparan ng patuluyan, pinag-isa at magkakaugnay na mga programa at patakaran para sa pagpapaunlad ng bansa. Hangga’t ang Kongreso ay hindi nagtatakda ng naiiba, dapat manungkulan ang Pambansang Pangasiwaan sa Ekonomya at Pagpapaunlad bilang malayang sangay sa pagpaplano ng pamahalaan.
SEKSYON 10
Sa tagubilin ng sangay sa ekonomiya at pagpaplano, dapat ilaan ng Kongreso sa mga mamamayan ng Pilipinas o sa mga korporasyon o mga asosasyon na ang animnapung porsyento man lamang ng puhunan ay ari ng gayong mga mamamayan, o ang mas mataas na porsyento na maaaring itakda ng Kongreso, ang ilang mga larangan ng pamumuhunan kailan man at ganito ang iniaatas ng pambansang kapakanan. Dapat magsabatas ang Kongreso ng mga hakbanging magpapasigla sa pagbubuo at pagpapalakad ng mga negosyo na ang puhunan ay aring ganap ng mga Pilipino.
Sa pagkakaloob ng mga karapatan, mga pribilehyo at mga konsesyon na sumasaklaw sa pambansang ekonomiya at patrimonya, dapat unahin ng Estado ang mga kwalipikadong Pilipino.
Dapat regulahin at gamitin ng Estado ang awtoridad nito sa mga puhunang dayuhan na saklaw ng pambansang hurisdiksyon nito at nang naalinsunod sa mga pambansang tunguhin at prayoriti nito.
SEKSYON 11
Hindi dapat ipagkaloob ang ano mang prangkisya, sertipiko, o iba pang anyo ng pahintulot sa pagpapalakad ng kagamitang pambayan maliban sa mga mamamayan ng Pilipinas o sa mga korporasyon o mga asosasyong itinatag sa ilalim ng mga batas ng Pilipinas na ang animnapung porsyento man lamang ng puhunan ay ari ng gayong mga mamamayan, ni hindi dapat na ang prangkisya, sertipiko, o pahintulot ay tanging-tangi sa uri o hihigit pa sa limampung taon ang itatagal. Ni hindi dapat ipagkaloob ang gayong prangkisya o karapatan maliban sa kondisyon na ito ay dapat sumailalim ng pagsususog, pagbabago, o pagpapawalang-saysay ng Kongreso kapag kinakailangan ng kabutihang panlahat. Dapat pasiglahin ng Estado ang tanan na makilahok sa pamumuhunan sa mga kagamitang pambayan. Ang paglahok ng mga mamumuhunang dayuhan sa mga pamatnugutan sa ano mang kalakalan sa kagamitang pambayan ay dapat matakda sa kanilang katumbas na sapi sa puhunan niyon, at ang lahat ng mga pinunong tagapagpaganap at tagapamahala ng gayong mga korporasyon o asosasyon ay kinakailangang mga mamamayan ng Pilipinas.
SEKSYON 12
Dapat magtaguyod ang Estado ng makiling na paggamit ng paggawang Pilipino, domestikong materyales at mga kalakal na yaring lokal at dapat magpatibay ng mga hakbangin upang makalaban sa kompitensya ang mga ito.
SEKSYON 13
Dapat magtaguyod ang Estado ng patakarang pangkalakalan na mauukol sa kagalingang panlahat at magsasagamit sa lahat ng mga anyo at ayos ng palitan na nasasalig sa pagkakapantay-pantay at pagtutumbasan.
SEKSYON 14
Dapat magtaguyod ang Estado ng patuluyang pagpapaunlad ng isang pambansang pagpipisan ng talino ng mga Pilipinong sayantist, mga mamumuhunan, mga propesyonal, mga manedyer, mataas na kaantasan ng teknikal manpower at mga bihasang manggagawa at mga artisan sa lahat ng mga larangan. Dapat magtaguyod ang Estado ng angkop na teknolohya at magregula ng paglilipat ng teknolohya para sa kapakinabangan ng bansa.
Dapat ilaan lamang sa mga mamamayang Pilipino ang pagpapraktis ng lahat ng mga propesyon sa Pilipinas, matangi sa mga kalagayang itatakda ng batas.
SEKSYON 15
Dapat lumikha ang Kongreso ng isang sangay na magtataguyod sa pag-iral at pagsulong ng mga kooperatiba bilang mga kasangkapan para sa katarungang panlipunan at kaunlarang pangkabuhayan.
SEKSYON 16
Hindi dapat magtadhana ang Kongreso, maliban sa pamamagitan ng pangkalahatang batas, ukol sa pagbubuo, pagtatatag, o pagreregula ng mga pribadong korporasyon. Maaaring lumikha o magtatag ng mga korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan sa pamamagitan ng mga tanging karta para sa kabutihan ng lahat at nasasalalay sa pagsubok sa pagiging kapaki-pakinabang nito.
SEKSYON 17
Ang Estado, sa mga panahon ng pambansang kagipitan, kapag kinakailangan ng kapakanang pambayan, ay maaaring pansamantalang mangasiwa o mamatnugot sa pagpapalakad ng ano mang pambayang yutiliti na aring pribado o negosyong kinapapalooban ng kapakanang pambayan, habang umiiral ang kagipitang pambayan at sa ilalim ng makatwirang mga katakdaang itatagubilin nito.
SEKSYON 18
Ang Estado, sa kapakanan ng pambansang kagalingan o pagtatanggol, ay maaring magtatag at magpalakad ng mga napakahalagang industrya, at pagkapagbayad ng wastong kabayaran, maaaring ilipat nito sa pagmamay-aring pambayan ang mga yutiliti at iba pang mga pribadong negosyo na palalakarin ng pamahalaan.
SEKSYON 19
Dapat regulahin o ipagbawal ng Estado ang mga monopoli kapag kinakailangan ng kapakanang pambayan. Hindi dapat payagan ang mga kombinasyong sumusupil sa kalakalan o ang marayang kompitensya.
SEKSYON 20
Dapat magtatag ang Kongreso ng isang malayang punong pangasiwaan sa pananalapi, na ang mga kagawad ng namumunong kalupunan ay kinakailangang mga katutubong inianak na mamamayang Filipino na kilala sa pagkamatapat, pagkamarangal, at pagkamakabayan, at ang nakararami sa kanila ay dapat magmula sa pribadong sektor. Sila ay dapat ding sumailalim sa iba pang mga kwalipikasyon at disabiliti na maaaring itakda ng batas. Dapat magtakda ang pangasiwaan ng patnubay na patakaran sa mga larangan na may kinalaman sa salapi, pagbabangko, at kredito. Dapat magkaroon ito ng superbisyon sa pamamalakad ng mga bangko at gampanan ang mga kapangyarihan sa pagregula nang ayon sa maaaring itadhana ng batas sa pamamalakad ng mga kompanya sa pananalapi at sa iba pang mga institusyong gumaganap ng katularing mga gawain.
Hangga’t hindi nagtatakda ng naiiba ang Kongreso, ang Bangko Sentral ng Pilipinas, sa pagpapalakad sa ilalim ng umiiral na mga batas, ay gaganap bilang punong pangasiwaan sa pananalapi.
SEKSYON 21
Maaari lamang makautang sa ibang bansa nang naaalinsunod sa batas at sa alituntunin ng pangasiwaan sa pananalapi. Dapat maging handa sa pagbibigay sa taong-bayan ng impormasyon hinggil sa mga utang sa ibang bansa na nakuha o ginarantyahan ng pamahalaan.
SEKSYON 22
Ang mga kagagawan na lumihis o nagpapawalang-saysay sa alin mang tadhana ng Artikulong ito ay dapat ituring na di naaangkop sa kapakanang pambansa at dapat lapatan ng mga parusang sibil at kriminal, ayon sa maaaring itakda ng batas.