Talaan ng mga Nilalaman
SEKSYON 1
Ang pagtitiwala ng bayan ay angkin ng katungkulang pambayan. Ang mga pinuno at mga kawaning pambayan ay kinakailangang mamalaging nananagutan sa mga taong-bayan, maglingkod sa kanila na taglay ang pinakamataas na pakundangan, dangal, katapatan, at kahusayan, manuparan na taglay ang pagkamakabayan at katarungan, at mamuhay nang buong kapakumbabaan.
SEKSYON 2
Ang Panguio, ang Pangalawang-Pangulo, ang mga Mahistrado ng Kataastaasang Hukuman, ang mga Kagawad ng mga Komisyong Konstitusyonal, at ang Ombudsman ay maaaring alisin sa katungkulan sa pamamagitan ng impeachment, at pagkahatol doon sa tandisang paglabag sa konstitusyon, pagtataksil, pagpapasuhol, graft and corruption, iba pang mabibigat na krimen, o pagkakanulo sa pagtitiwala ng bayan. Ang lahat ng iba pang mga pinuno at kawaning pambayan ay maaaring itiwalag sa katungkulan ayon sa itinatadhana ng batas subalit hindi sa pamamagitan ng impeachment.
SEKSYON 3
(1) Ang Kapulungan ng mga Kinatawan ay dapat magkaroon ng tanging kapangyarihang magpasimula sa lahat ng mga kaso ng impeachment.
(2) Ang isalig pinanumpaang sakdal ukol sa impeachment ay maaaring iharap ng sino mang Kagawad ng Kapulungan ng mga Kinatawan o ng sino mang mamamayan sa pamamagitan ng isang resolusyon ng pagsang-ayon ng sino mang Kagawad niyon, na dapat isama sa Palatuntunan ng Pagpupulungan sa loob ng sampung araw ng sesyon, at dapat itukoy sa nararapat na Komite sa loob ng tatlong araw ng sesyon pagkatapos noon. Pagkaraan ng pagdinig at sa pamamagitan ng nakararaming boto ng lahat ng mga Kagawad nito, ang Komite ay dapat magharap ng ulat nito sa Kapulungan sa loob ng animnapung araw ng sesyon mula sa nabanggit na pagtutukoy, kasama ang kaukulang resolusyon. Dapat ikalendaryo ng Kapulungan ang pagsasaalang-alang sa resolusyon sa loob ng sampung araw ng sesyon pagkatanggap nito.
(3) Dapat kailanganin ang boto ng isang-katlo man lamang ng lahat ng mga Kagawad ng Kapulungan upang patotohanan ang isang katig na resolusyon sa Articles of Impeachment ng Komite, o pawalang-halaga ang salungat na resolusyon nito. Dapat itala ang boto ng bawat Kagawad.
(4) Kung ang pinanumpaang sakdal o resolusyon sa impeachment ay iniharap ng isang-katlo man lamang ng lahat ng mga Kagawad ng Kapulungan, iyon ay dapat bumuo sa Articles of Impeachment, at dapat isunod agad ang paglilitis ng Senado.
(5) Hindi dapat ipagharap ang opisyal ding iyon nang higit sa isang sakdal na impeachment sa loob ng isang taon.
(6) Ang Senado ay dapat magkaroon ng tanging kapangyarihang maglitis sa lahat ng mga kaso ng impeachment. Kapag nagpulong ukol sa layuning iyon, ang mga Senador ay dapat sumailalim ng panunumpa o pagpapatotoo. Kapag ang Pangulo ng Pilipinas ay nililitis, ang Punong Mahistrado ng Kataastaasang Hukuman ang dapat mangulo, ngunit hindi dapat bumoto. Hindi dapat parusahan ang sino mang tao nang walang pagsang-ayon ng dalawang-katlo ng lahat ng mga Kagawad ng Senado.
(7) Ang mga hatol sa mga kaso ng impeachment ay hindi dapat humigit pa sa pag-aalis sa katungkulan at diskwalipikasyon sa paghawak ng ano mang katungkulan sa ilalim ng Republika ng Pilipinas, ngunit ang panig na naparusahan ay dapat pa ring managot at sumailalim ng pag-uusig, paglilitis at pagpaparusa ayon sa batas.
(8) Ang Kongreso ay dapat maglagda ng mga tuntunin nito sa impeachment upang mabisang maisakatuparan ang layunin ng seksyong ito.
SEKSYON 4
Ang kasalukuyang hukuman laban sa katiwalian na tinatawag na Sandiganbayan ay dapat magpatuloy sa tungkulin at tumupad ng hurisdiksyon nito katulad ng sa ngayon o pagkaraan ay maaaring itadhana ng batas.
SEKSYON 5
Sa pamamagitan nito ay nililikha ang malayang tanggapan ng Ombudsman, na binubuo ng Ombudsman na tatawaging Tanodbayan, isang panlahatang Depyuti, at isa man lamang Depyuti sa bawat isa sa Luzon, Visayas, at Mindanao. Maaari ring humirang ng isang hiwalay na Depyuti para sa military establishment.
SEKSYON 6
Ang mga opisyal at mga kawani ng Tanggapan ng Ombudsman, maliban sa mga Depyuti, ay dapat hirangin ng Ombudsman alinsunod sa Batas ng Serbisyo Sibil.
SEKSYON 7
Ang Tanodbayan, na umiiral sa kasalukuyan, ay dapat tawagin mula ngayon na Tanggapan ng Tanging Tagausig. Ito ay dapat magpatuloy sa tungkulin at tumupad ng kapangyarihan nito katulad ng sa ngayon o pagkaraan ay maaaring itadhana ng batas, matangi roon sa mga ipinagkaloob sa katungkulan ng Ombudsman na nilikha sa ilalim ng Konstitusyong ito.
SEKSYON 8
Ang Ombudsman at ang kanyang mga Depyuti ay dapat na mga katutubong inianak na mamamayan ng Pilipinas, at sa panahon ng pagkahirang sa kanila ay may apatnapung taong gulang man lamang, kinikilala sa pagkamatapat at sariling pag-iisip, at kabilang sa Philippine Bar, at hindi naging mga kandidato sa ano mang katungkulang halal sa sinundang nakalipas na halalan. Ang Ombudsman ay kinakailangang naging isang hukom o nagpraktis bilang abogado sa Pilipinas sa loob ng sampung taon o mahigit pa.
Sa panahon ng kanilang panunungkulan, sila ay dapat sumailalim ng mga diskwalipikasyon at mga pagbabawal na tulad ng itinatadhana sa Seksyon 2, Artikulo XI-A ng Konstitusyong ito.
SEKSYON 9
Ang Ombudsman at ang kanyang mga Depyuti ay dapat hirangin ng Pangulo mula sa talaan ng anim man lamang na pagpipilian na inihanda ng Judicial and Bar Council, at mula sa talaan ng tatlong pagpipilian para sa bawat bakante pagkaraan niyon. Hindi dapat kailanganin sa mga paghirang na iyon ang ano mang kumpirmasyon. Ang lahat ng mga bakante ay dapat punan sa loob ng tatlong buwan matapos mabakante ang mga iyon.
SEKSYON 10
Ang Ombudsman at ang kanyang mga Depyuti ay dapat magtaglay ng ranggo ng Tagapangulo at mga Kagawad ng mga Komisyong Konstitusyonal, ayon sa pagkakasunud-sunod, at sila ay dapat tumanggap ng katulad na sahod, na hindi dapat bawasan sa panahon ng kanilang panunungkulan.
SEKSYON 11
Ang Ombudsman at ang kanyang mga Depyuti ay dapat manungkulan sa taning na pitong taon na di na muling mahihirang. Sila ay hindi dapat maging marapat kumandidato sa ano mang katungkulan sa halalang kagyat na susunod sa pagtatapos ng kanilang panunungkulan.
SEKSYON 12
Ang Ombudsman at ang kanyang mga Depyuti, bilang mga tagapagsanggalang ng taong-bayan, ay dapat kumilos nang daglian sa mga sumbong na iniharap sa ano mang anyo o paraan, laban sa mga pinuno o kawaning pambayan ng pamahalaan, o ng ano mang subdibisyon, ahensya o instrumentaliti niyon, kasama ang mga korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan, at sa mga angkop na kaso ay dapat ipabatid sa mga maysumbong ang isinagawang aksyon at ang mga resulta niyon.
SEKSYON 13
Dapat magkaroon ang Tanggapan ng Ombudsman ng sumusunod na mga kapangyarihan, mga gawain at mga tungkulin:
(1) Magsiyasat sa kusa nito o sa sumbong ng sino mang tao, ng ano mang kagagawan o pagkukulang ng sino mang opisyal, kawani, tanggapan o ahensyang pambayan kapag ang gayong kagagawan o pagkukulang ay lumilitaw na ilegal, di makatarungan, di nararapat, o di episyente.
(2) Mag-atas, batay sa sumbong o sa sariling kusa nito, sa sino mang opisyal pambayan o kawani ng pamahalaan, o ng alin mang subdibisyon, ahensya o instrumentaliti niyon, at maging ng alin mang korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan na may mga orihinal na karta, na tuparin at madaliin ang ano mang kilos o tungkulin na hinihingi sa kanya ng batas, pigilin, hadlangan, at iwasto ang ano mang pagmamalabis o di nararapat sa pagtupad ng mga tungkulin.
(3) Mag-atas sa kinauukulang pinuno na magsagawa ng nararapat na hakbang laban sa isang nagkasalang opisyal o kawaning pambayan, at magtagubilin ng kanyang pagtitiwalag, pagsuspindi, pagbaba ng katungkulan, pagmumulta, mahigpit na pangangaral, o pag-uusig, at tiyakin ang pagtalima sa ipinag-utos.
(4) Sa alin mang nararapat na kaso at sa ilalim ng mga katakdaan na maaaring itadhana ng batas, mag-atas sa kinauukulang pinuno na bigyan ito ng mga sipi ng mga dokumento tungkol sa mga kontrata o mga transaksyon na pinasok ng kanyang tanggapan na may kinalaman sa pagbabayad o paggamit ng mga pondo o mga ariariang pambayan, at mag-ulat sa Komisyon sa Awdit ng ano mang katiwalian upang magawan ng karampatang hakbang.
(5) Humiling sa alin mang sangay ng pamahalaan ng kinakailangang tulong at impormasyon sa pagtupad ng mga pananagutan nito, at magsuri, kung kinakailangan, ng nauukol na mga rekord at mga dokumento.
(6) Magpahayag ng mga bagay-bagay na saklaw ng pagsisiyasat nito kung hinihingi ng mga pangyayari at taglay ang nararapat na pag-iingat.
(7) Alamin ang mga dahilan ng di kahusayan, red tape, masamang pamamahala, pagdaraya, at katiwalian sa pamahalaan at magrekomenda ukol sa pag-aalis ng mga ito at pagsunod sa matataas na mga pamantayan ng kagandahang-asal at kahusayan.
(8) Maglagda ng mga tuntunin ng pamamaraan nito at gumanap ng iba pang mga kapangyarihan o tumupad ng mga gawain o mga tungkulin na maaaring itadhana ng batas.
SEKSYON 14
Dapat magtamasa ng pagsasarili sa pananalapi ang Tanggapan ng Ombudsman. Dapat ipalabas nang kusa at regular ang pinagtibay na taunang laang-gugulin nito.
SEKSYON 15
Hindi dapat mahadlangan ng prescription, laches, o estoppel ang karapatan ng Estado na mabawi ang mga ariariang nakuha nang labag sa batas ng mga opisyal o mga kawaning pambayan, mula sa kanila o sa kanilang mga nomini o mga pinaglipatan.
SEKSYON 16
Hindi maaaring magkaloob, nang tuwiran o di-tuwiran, ng ano mang pautang, garantya o iba pang uri ng kaluwagang pampananalapi para sa alin mang layuning pangnegosyo ang alin mang bangko o institusyong Pampananalapi na ari o kontrolado ng pamahalaan sa Pangulo, Pangalawang Pangulo, sa mga Kagawad ng Gabinete, ng Kongreso, ng Kataastaasang Hukuman, at ng mga Komisyong Konstitusyonal, sa Ombudsman, o sa alin mang bahay-kalakal o entity na mayroon silang kontroling interest, sa panahon ng kanilang panunungkulan.
SEKSYON 17
Ang isang pinuno o kawaning pambayan, sa pag-upo niya sa tungkulin at sa limit ng panahong maaaring itadhana ng batas, ay dapat magsumite ng pinanumpaang deklarasyon ng kanyang mga ariarian, pananagutan at netong kabuuan ng ariarian. Sa kalagayan ng Pangulo, Pangalawang Pangulo, mga Kagawad ng Gabinete, ng Kongreso, ng Kataastaasang Hukuman, ng mga Komisyong Konstitusyonal at ng iba pang katungkulang Konstitusyonal, at mga pinuno ng Sandatahang Lakas na may ranggong heneral o pamandila, ang deklarasyon ay dapat isiwalat sa madla sa paraang itinatadhana ng batas.
SEKSYON 18
Ang mga pinuno at kawaning pambayan ay may kautangang katapatan sa lahat ng oras sa Estado at sa Konstitusyon, at ang sino mang pinuno o kawaning pambayan na naghahangad magbago ng kanyang pagkamamamayan o magtamo ng katayuang imigrant sa ibang bansa sa panahon ng kanyang panunungkulan ay dapat lapatan ng kaukulang batas.