ARTIKULO X PAMAHALAANG LOKAL

Talaan ng mga Nilalaman

MGA TADHANANG PANGKALAHATAN

SEKSYON 1

Ang mga subdibisyong teritoryal at pulitikal ng Republika ng Pilipinas ay ang mga lalawigan, mga lungsod, mga bayan, at mga baranggay. Dapat magkaroon ng mga rehyong awtonomus sa Muslim Mindanao at sa mga Cordillera ayon sa itinatadhana rito.

SEKSYON 2

Ang mga subdibisyong teritoryal at pulitikal ay dapat magtamasa ng awtonoming lokal.

SEKSYON 3

Ang Kongreso ay dapat magsabatas ng isang kodigo ng pamahalaang lokal na dapat magtadhana ng balangkas ng pamahalaang lokal na higit na matugunin at mapanagutan na itinatag sa pamamagitan ng isang sistema ng desentralisasyon na may mabisang pamamaraan ng recall, initiative at reperendum, mag-aayaw-ayaw sa iba’t ibang yunit ng pamahalaang lokal ng kanilang mga kapangyarihan, mga pananagutan, at mga mapagkukunangbatis, at magtatadhana ng mga katangian, paghahalal, paghirang at pag-aalis, taning ng panunungkulan, mga sweldo, mga kapangyarihan at gawain, at mga tungkulin ng mga pinunong lokal, at lahat ng iba pang mga bagay-bagay na may kaugnayan sa kabuuan at pagpapakilos ng mga yunit na lokal.

SEKSYON 4

Ang Pangulo ng Pilipinas ay dapat tumupad ng pangkalahatang superbisyon sa mga pamahalaang lokal. Dapat seguruhin ng mga lalawigan ang mga lungsod at mga bayang nakapaloob sa mga ito, ng mga lungsod at mga bayan ang mga baranggay na nakapaloob sa mga ito, na gaganap ng kanilang mga kapangyarihan at mga gawain ayon sa pagkakatakda.

SEKSYON 5

Dapat magkaroon ang bawat yunit ng pamahalaang lokal ng kapangyarihang lumikha ng mga sariling mapagkukunan nito ng kita at magpataw ng mga bwis, butaw at singilin, sa ilalim ng mga panuntunan at katakdaang maaaring itadhana ng Kongreso, na naaalinsunod sa saligang patakaran ng awtonoming lokal. Ang gayong mga bwis, butaw at singilin ay dapat mapunta sa mga pamahalaang lokal lamang.

SEKSYON 6

Dapat magkaroon ang mga yunit ng pamahalaang lokal ng makatwirang kaparte, ayon sa itatakda ng batas, sa mga pambansang bwis na dapat kusang ipalabas para sa kanila.

SEKSYON 7

Dapat na may karapatan ang mga pamahalaang lokal sa karampatang kaparte sa mga bunga ng paggamit at paglinang ng kayamanang pambansa na nasa kani-kanilang mga lugar, sa paraang itatakda ng batas, kabilang ang pagbibigay ng kaparte sa mga naninirahan sa pamamagitan ng mga tuwirang benepisyo.

SEKSYON 8

Ang taning na panahon ng panunungkulan ng mga halal na pinunong lokal, maliban sa mga pinuno ng baranggay na itatakda ng batas, ay dapat na tatlong taon at hindi makapanunungkulan ang sino mang gayong pinuno nang mahigit sa tatlong magkakasunod na taning ng panunungkulan. Ang boluntaryong pagtalikod sa katungkulan sa ano mang tagal ng panahon ay hindi dapat ituring na pagkauntol sa pagpapatuloy ng kanyang paglilingkod para sa buong taning na panahon ng panunungkulan na pinaghalalan sa kanya.

SEKSYON 9

Ang mga kalupunang lehislatibo ng mga pamahalaang lokal ay dapat magkaroon ng mga kinatawang sektoral ayon sa maaaring itakda ng batas.

SEKSYON 10

Ang alin mang lalawigan, lungsod, bayan o baranggay ay hindi maaaring likhain, hatiin, pagsamahin, bulwagin, o lubhang baguhin ang hanggahan nito, maliban kung naaayon sa mga batayang itinatag ng kodigo ng pamahalaang lokal at sa pagpapatibay ng mayoryang boto sa isang plebisito sa mga yunit pulitikal na tuwirang apektado.

SEKSYON 11

Ang Kongreso ay maaaring lumikha sa pamamagitan ng batas ng tanging mga metropolitan na subdibisyong pulitikal na sasailalim ng isang plebisito ayon sa itinatakda sa Seksyon 4 nito. Dapat manatili sa nakapaloob na mga lungsod at mga bayan ang kanilang saligang awtonomi at dapat na may karapatan sa kanilang sariling mga tagapagpaganap lokal at mga kapulungang tagapagbatas. Ang hurisdiksyon ng awtoridad metropolitan na lilikhain sa gayong paraan ay dapat itakda sa mga pangunahing lingkuran na nangangailangan ng koordinasyon.

SEKSYON 12

Ang mga lungsod na sukdulang urban gaya ng pagkakatakda ng batas, at ang mga bumubuong lungsod na ang mga karta ay nagbabawal sa kanilang mga botante na bumoto para sa mga halal na pinuno ng lalawigan, ay dapat maging malaya sa lalawigan. Ang mga botante ng mga bumubuong lungsod na nakapaloob sa isang lalawigan, na ang mga karta ay hindi nagtataglay ng gayong pagbabawal, ay hindi dapat pagkaitan ng kanilang karapatang bumoto para sa mga halal na pinuno ng lalawigan.

SEKSYON 13

Ang mga yunit ng pamahalaang lokal ay maaaring magsama-sama, magbuo o mag-ugnay ng kanilang mga pagsisikap, mga lingkuran, at mga mapagkukunangbatis para sa mga layuning kapaki-pakinabang sa kanila nang naaayon sa batas.

SEKSYON 14

Dapat maglaan ang Pangulo ng mga panrehyong sanggunian sa pagpapaunlad o iba pang katulad na mga kalupunan na binubuo ng lokal na mga pinuno ng pamahalaan, mga panrehyong puno ng mga kagawaran at iba pang mga tanggapan ng pamahalaan, at ng mga kinatawan mula sa mga organisasyong di pampamahalaan sa loob ng mga rehyon para sa mga layuning desentralisasyon ng pangangasiwa upang mapatatag ang awtonomi ng mga yunit doon at upang mapabilis ang pagsulong at pag-unlad ng pangkabuhayan at panlipunan ng mga yunit sa rehyon.

MGA REHYONG AWTONOMUS

SEKSYON 15

Dapat lumikha ng mga rehyong awtonomus sa Muslim Mindanao at sa mga Cordillera na binubuo ng mga lalawigan, mga lungsod at mga bayan, at mga lawak heograpiko na may panlahat at namumukod na manang kasaysayan at kalinangan, mga istrukturang pangkabuhayan at panlipunan at iba pang nauugnay na mga katangian alinsunod sa balangkas ng Konstitusyong ito, at ng kataas-taasang kapangyarihan ng bansa gayon din ng karangalang teritoryal ng Republika ng Pilipinas.

SEKSYON 16

Ang Pangulo ay dapat tumupad ng pangkalahatang superbisyon sa mga rehyong awtonomus upang matiyak na matapat na sinusunod ang mga batas.

SEKSYON 17

Dapat masalalay sa Pamahalaang Pambansa ang lahat ng mga kapangyarihan, mga gawain at mga pananagutan na hindi ipinagkakaloob ng Konstitusyong ito o ng batas sa mga rehyong awtonomus.

SEKSYON 18

Ang Kongreso ay dapat magsabatas ng isang batayang batas para sa bawat rehyong awtonomus sa tulong at pakikilahok ng panrehyong sangguniang komisyon na binubuo ng mga kinatawang hinirang ng Pangulo mula sa talaan ng mga nominado ng mga kalupunang multi-sektoral. Dapat tukuyin ng batayang batas ang saligang balangkas ng pamahalaan para sa rehyon na binubuo ng kagawarang tagapagpaganap at kapulungang tagapagbatas, na kapwa dapat na halal at kumakatawan sa mga bumubuong yunit pulitikal. Ang mga batayang batas ay dapat ding magtadhana ng mga tanging hukuman na may hurisdiksyon sa mga batas na personal, pampamilya at pang-ari-arian nang naaalinsunod sa mga tadhana ng Konstitusyong ito at ng mga batas pambansa. Dapat magkabisa ang paglikha ng rehyong awtonomus kapag pinagtibay ng mayoryang boto ng mga yunit ng manghahalal sa isang plebisito na itinawag ukol doon, sa pasubali na iyon lamang mga lalawigan, mga lungsod at mga lugar heograpiko na bumoto nang katig sa gayong plebisito ang isasama sa rehyong awtonomus.

SEKSYON 19

Dapat magpatibay ng mga batayang batas ang unang Kongreso na inihalal sa ilalim ng Konstitusyong ito, sa loob ng labingwalong buwan simula sa pagkakatatag ng dalawang Kapulungan, para sa mga rehyong awtonomus sa Muslim Mindanao at sa mga Cordillera.

SEKSYON 20

Ang batayang batas ng mga rehyong awtonomus, sa loob ng hurisdiksyong teritoryal nito at sa ilalim ng mga tadhana ng Konstitusyong ito at ng mga batas pambansa, ay dapat magtadhana ng mga kapangyarihang tagapagbatas sa:

(1) Organisasyong pampangasiwaan;

(2) Paglikha ng mga mapagkukunan ng rebenyu;

(3) Mga manang lupain at mga likas na kayamanan;

(4) Mga ugnayang personal, pampamilya at pang-ari-arian;

(5) Panrehyong pagpaplano para sa pagpapaunlad urban at rural;

(6) Pagpapaunlad na pangkabuhayan, panlipunan at panturismo;

(7) Mga patakarang pang-edukasyon;

(8) Pangangalaga at pagpapaunlad sa manang kalinangan; at

(9) Mga iba pang bagay-bagay na maaaring ipahintulot ng batas para sa pagtataguyod ng kagalingang panlahat ng mga mamamayan sa rehyon.

SEKSYON 21

Ang pagpapanatili ng katiwasayan at kaayusan sa mga rehyon ay dapat na pananagutan ng mga lokal na sangay ng pulisya na isasatatag, tutustusan, pangangasiwaan at gagamitin nang naaayon sa mga karampatang batas. Ang pagtatanggol at seguridad ng mga rehyon ay dapat na pananagutan ng Pamahalaang Pambansa.

Nakaraan
Susunod