ARTIKULO VIII ANG KAGAWARANG PANGHUKUMAN

Talaan ng mga Nilalaman

SEKSYON 1

Dapat masalalay ang kapangyarihang panghukuman sa isang Kataastaasang Hukuman at sa mga nakabababang hukuman na maaaring itatag ng batas.

Saklaw ng kapangyarihang panghukuman ang tungkulin ng mga hukuman ng katarungan na ayusin ang nangyayaring mga sigalot na kinasasangkutan ng mga karapatang nararapat hingin at ipatupad nang naaayon sa batas at pasyahan kung mayroon o walang naganap na malubhang pagsasamantala sa diskresyon na humantong sa kawalan o kalabisan sa hurisdiksyon sa panig ng alin mang sangay o instrumentaliti ng pamahalaan.

SEKSYON 2

Ang Kongreso ay dapat na may kapangyarihang tumiyak, magtakda, at mag-ayaw-ayaw ng hurisdiksyon ng iba’t ibang hukuman datapwat hindi maaaring alisan ang Kataastaasang Hukuman ng hurisdiksyon sa mga usaping iniisaisa sa Seksyon 7 rito.

Hindi dapat magpatibay ng ano mang batas na nagbabagong-tatag sa mga hukuman kung ito’y magpapabuway sa kaseguruhan ng takdang panahon ng panunungkulan ng mga Kagawad nito.

SEKSYON 3

Dapat magtamasa ng pagsasarili sa pananalapi ang mga Hukuman. Ang laang-gugulin para sa Hukuman ay hindi maaaring bawasan ng lehislatura nang mababa kaysa sa halagang inilaan para sa nakaraang taon at, pagkaraang mapagtibay, dapat ipalabas nang kusa at regular.

SEKSYON 4

(1) Ang Kataastaasang Hukuman ay dapat buuin ng isang Punong Mahistrado at labing-apat na Kasamang Mahistrado. Ito ay maaaring magpasya en banc o sa diskresyon nito, sa mga dibisyong binubuo ng tatlo, lima, o pitong Kagawad. Ang ano mang bakante ay dapat punan sa loob ng siyamnapung araw Simula sa pagsapit niyon

(2) Ang lahat ng mga usaping may kinalaman sa konstitusyonaliti ng ano mang kasunduang-bansa, kasunduang internasyonal o tagapagpaganap, o batas na dapat dinggin ng Kataastaasang Hukuman en banc, at lahat ng iba pang mga usapin na sa ilalim ng mga alituntunin ng hukuman ay kinakailangang marinig en banc, kabilang ang mga may kinalaman sa konstitusyonaliti, paglalapat o pagpapairal ng mga dekri ng pangulo, mga proklamasyon, mga kautusan, mga tagubilin, mga ordinansa, at iba pang mga regulasyon, ay dapat pasyahan nang may pagsang-ayon ang nakararaming mga Kagawad na talagang nakibahagi sa mga deliberasyon tungkol sa mga isyu sa usapin at bumoto roon.

(3) Ang mga kaso o bagay na dininig ng isang dibisyon ay dapat pasyahan o lutasin nang may pagsang-ayon ang nakararaming mga Kagawad na talagang nakibahagi sa mga deliberasyon ng mga isyu sa usapin at bumoto roon, at hindi kailanman, nang walang pagsang-ayon ng tatlo man lamang ng gayong mga Kagawad. Kapag hindi natamo ang kinakailangang bilang, ang usapin ay dapat pasyahan en banc, sa pasubali, na ang ano mang doktrina o simulain ng batas na inilagda ng Hukuman sa isang pasya na iginawad en banc o sa dibisyon ay hindi maaaring baguhin o baligtarin maliban sa pagpapasya en banc ng Hukuman.

SEKSYON 5

Dapat magtaglay ang Kataastaasang Hukuman ng sumusunod na mga kapangyarihan:

(1) Gumamit ng orihinal na hurisdiksyon sa mga usaping may kinalaman sa mga ambasador, iba pang mga minister pambayan at mga konsul, at sa mga petisyon para sa certiorari, prohibition, mandamus, quo warranto, at habeas corpus.

(2) Rebyuhin, rebisahin, baligtarin, baguhin, o patibayan sa paghahabol o certiorari, ayon sa maaaring itadhana ng batas o ng mga alituntunin ng hukuman, ang mga pangwakas na pagpapasya at mga kautusan ng mga nakabababang hukuman sa:

(a) Lahat ng mga usapin na ang konstitusyonaliti o baliditi ng ano mang kasunduang-bansa, kasunduang internasyonal o tagapagpaganap, batas, dekri ng pangulo, ordinansa, kautusang tagapagpaganap, proklamasyon, o regulasyon ay pinagtatalunan.

(b) Lahat ng mga usapin na kinasasangkutan ng legalidad ng ano mang bwis, singil, tasasyon, o tol, o ano mang parusang ipinataw kaugnay niyon.

(k) Lahat ng mga usapin na ang saklaw ng alin mang nakabababang hukuman ay pinagtatalunan.

(d) Lahat ng mga usaping kriminal na ang parusang ipinapataw ay reclusion perpetua o-higit pa.

(e) Lahat ng mga usapin na pagkakamali o suliranin sa batas lamang ang nasasangkot.

(3) Magtalagang pansamantala ng mga hukom ng mga nakabababang hukuman sa ibang himpilan ayon sa maaaring kailanganin ng kapakanang pambayan. Ang gayong pansamantalang pagtatalaga ay hindi dapat lumampas sa anim na buwan nang walang pagsang-ayon ang kinauukulang hukom.

(4) Iatas ang pagbabago ng benyu o lugar ng paglilitis upang maiwasan ang pagkabigo ng pagpapairal ng katarungan.

(5) Maglagda ng mga alituntunin tungkol sa pangangalaga at pagpapatupad ng mga karapatang konstitusyonal, pleading, praktis, at pamamaraan sa lahat ng mga hukuman, pagtanggap sa praktis bilang abogado, integrated bar, at tulong na pambatas sa mga kapuspalad. Ang gayong mga alituntunin ay dapat magtakda ng payak at di magastos na pamamaraan para sa mabilis na pagpapasya sa mga usapin, maging magkakatulad sa lahat ng hukuman na magkakaantas, at hindi magbabawas, magdaragdag, o magbabago ng mga karapatang makabuluhan. Ang mga alituntunin ng pamamaraan ng mga tanging hukuman at mga kalupunan na mala-panghukuman ay dapat manatiling maybisa hangga’t hindi pinawawalang-saysay ng Kataastaasang Hukuman.

(6) Humirang ng lahat ng mga pinuno at mga kawani ng mga hukuman ayon sa Batas ng Serbisyo Sibil

SEKSYON 6

Ang Kataastaasang Hukuman ay dapat magtaglay ng superbisyong pampangasiwaan sa lahat ng mga hukuman at sa mga tauhan niyon.

SEKSYON 7

(1) Hindi dapat mahirang na Kagawad ng Kataastaasang Hukuman o ng alinmang nakabababang hukumang kolehyado ang sino mang tao matangi kung siya ay katutubong inianak na mamamayan ng Pilipinas. Ang isang Kagawad ng Kataastaasang Hukuman ay kinakailangang apatnapung taon man lamang ang gulang, at kinakailangang sa loob ng labinlimang taon o higit pa ay naging hukom ng isang nakabababang hukuman o nagpraktis bilang abogado sa Pilipinas.

(2) Dapat magtakda ang Kongreso ng mga katangian ng mga hukom ng mga nakabababang hukuman, ngunit hindi maaaring mahirang na hukom ang sino mang tao matangi kung siya ay isang mamamayan ng Pilipinas at kabilang sa Philippine Bar.

(3) Ang isang Kagawad ng Hukuman ay kinakailangang nag-aangkin ng subok na kakayahan, kalinisang-budhi, katapatan at malayang pag-iisip.

SEKSYON 8

(1) Nililikha sa pamamagitan nito ang isang Judicial and Bar Council sa pangangasiwa ng Kataastaasang Hukuman na binubuo ng Punong Mahistrado bilang Tagapangulo ex-officio, ng Minister ng Katarungan at ng isang kinatawan ng Kongreso bilang mga kagawad ex-officio, ng isang kinatawan ng integrated bar, ng isang propesor ng batas, ng isang retiradong Kagawad ng Kataastaasang Hukuman at ng isang kinatawan ng pribadong sektor.

(2) Dapat hirangin ng Pangulo ang mga regular na kagawad ng Council para sa taning na panahon ng panunungkulan na apat na taon nang may pagsang-ayon ng Komisyon sa Paghirang. Sa mga Kagawad na unang hinirang, ang kinatawan ng integrated bar ay dapat manungkulan sa loob ng apat na taon, ang propesor ng batas sa loob ng tatlong taon, ang retiradong mahistrado sa loob ng dalawang taon, at ang kinatawan ng pribadong sektor sa loob ng isang taon.

(3) Ang Klerk ng Kataastaasang Hukuman ay dapat maging Kalihim ex-officio ng Council at dapat mag-ingat ng katitikan ng mga pulong nito.

(4) Ang mga regular na Kagawad ng Council ay dapat tumanggap ng mga pabuya na maaaring itakda ng Kataastaasang Hukuman. Ang Kataastaasang Hukuman ay dapat maglaan sa taunang badyet nito ng laang-gugulin para sa Council.

(5) Ang Council ay dapat magtaglay ng pangunahing tungkulin na magtagubilin ng mga hihirangin sa mga hukuman. Ito ay maaaring gumanap ng iba pang mga gawain at tungkulin na maaaring iatas ng Kataastaasang Hukuman.

SEKSYON 9

Dapat hirangin ng Pangulo ang mga Kagawad ng Kataastaasang Hukuman at ang mga hukom ng mga nakabababang hukuman mula sa isang talaan ng tatlong nomini man lamang na inihanda ng isang Judicial and Bar Council para sa bawat bakante. Hindi na kinakailangan ang kompirmasyon sa naturang mga paghirang.

Para sa mga nakabababang hukuman, dapat ipalabas ng Pangulo ang mga paghirang sa loob ng siyamnapungaraw mula sa paghaharap ng talaan.

SEKSYON 10

Ang sweldo ng Punong Mahistrado at ng mga Kasamang Mahistrado ng Kataastaasang Hukuman, at ng mga hukom ng mga nakabababang hukuman ay dapat itakda ng batas. Hindi dapat bawasan ang kanilang mga sweldo sa panahon ng kanilang panunungkulan.

SEKSYON 11

Dapat manungkulan ang mga Kagawad ng Kataastaasang Hukuman at ang mga hukom ng mga nakabababang hukuman habang maganda ang kanilang kaasalan hanggang sa sapitin nila ang gulang na pitumpung taon o mawalan ng kakayahang magsagawa ng mga tungkulin ng kanilang katungkulan. Dapat magtaglay ang Kataastaasang Hukuman en banc ng kapangyarihang disiplinahin ang mga hukom ng mga nakabababang hukuman, o iatas ang kanilang pagkatiwalag sa pamamagitan ng boto ng nakararami at ng isa pang Kagawad na talagang nakibahagi sa mga deliberasyon ng mga iisyu sa usapin at bumoto roon.

SEKSYON 12

Ang mga Kagawad ng Kataastaasang Hukuman at ng iba pang mga hukumang itinatag ng batas ay hindi dapat italaga sa alin mang tanggapan na gumaganap ng mga gawaing mala-panghukuman o pampangasiwaan.

SEKSYON 13

Ang mga pagpapasya ng Kataastaasang Hukuman sa ano mang usapin na iniharap dito upang pasyahan en banc o sa dibisyon ay dapat mabuo sa pagsasanggunian bago italaga ang isang usapin sa isang Mahistrado upang sulatin ang opinyon ng Hukuman. Dapat magpalabas ng isang sertipikasyon tungkol dito na nilagdaan ng Punong Mahistrado at ang isang sipi niyon ay dapat ilakip sa rekord ng usapin at ipahatid sa mga panig. Ang sino mang Mahistrado na hindi nakibahagi o salungat, o di-lumahok sa isang pasya o resolusyon ay kinakailangang maglahad ng mga katwiran na batayan nito. Ganito ring mga pangangailangan ang dapat sundin ng lahat ng nakabababang hukumang kolehyado.

SEKSYON 14

Hindi dapat maglagda ng ano mang pasya ang alin mang hukuman nang hindi inilalahad doon nang malinaw at di-maipagkakamali ang mga pangyayari at ang batas na pinagbabatayan nito. Hindi dapat pagkaitan ng marapat na hakbangin o tanggihan ang ano mang petisyon sa pagrebyu o mosyon para sa rekonsiderasyon sa isang pasya ng hukuman nang hindi inilalahad ang legal na batayan nito.

SEKSYON 15

(1) Ang lahat ng mga usapin o bagay na idinulog mula sa pagkakabisa ng Saligang-Batas na ito ay kinakailangang pasyahan o lutasin sa loob ng dalawampu’t apat na buwan mula sa petsa ng pagkakadulog nito para sa Kataastaasang Hukuman, at, matangi kung iklian ng Kataastaasang Hukuman, labindalawang buwan para sa lahat ng mga nakabababang hukumang kolehyado, at tatlong buwan ang para sa lahat ng iba pang mga nakabababang hukuman.

(2) Ang isang usapin o bagay ay ituturing na idinulog para sa pagpapasya o paglutas sa sandaling iniharap ang panghuling pleading, brief, o memorandum na itinakda ng mga Alituntunin ng Hukuman o ng hukuman na rin.

(3) Pagkatapos ng kaukulang panahon, ang isang sertipikasyon hinggil dito na nilagdaan ng Punong Mahistrado o ng namumunong hukom ay dapat igawad agad at ilalakip ang isang sipi niyon sa rekord ng usapin o bagay, at ipahahatid sa mga panig. Dapat isaad ng sertipikasyon kung bakit hindi naihayag o naigawad ang pasya o resolusyon sa loob ng naturang panahon.

(4) Sa kabila ng paglipas ng ipinatutupad na taning na panahong dapat pasyahan o lutasin ng hukuman, nang hindi makahahadlang sa pananagutang natamo bunga niyon, ang usapin o bagay na iniharap sa pagpapasya nito, nang wala nang pagkabalam pa.

SEKSYON 16

Ang Kataastaasang Hukuman, sa loob ng tatlumpung araw mula sa pagbubukas ng bawat regular na sesyon ng Kongreso, ay dapat magharap sa Pangulo at sa Kongreso ng taunang ulat ng mga pamalakad at mga gawain ng mga Hukuman.

Nakaraan
Susunod