Talaan ng mga Nilalaman
SEKSYON 1
Ang kapangyarihang tagapagpaganap ay dapat masalalay sa isang Pangulo ng Pilipinas.
SEKSYON 2
Hindi maaaring mahalal na Pangulo ang sino mang tao matangi kung siya ay isang katutubong inianak na mamamayan ng Pilipinas, isang rehistradong botante, nakababasa at nakasusulat, apatnapung taon man lamang ang gulang sa araw ng halalan, at isang residente ng Pilipinas sa loob ng sampung taon man lamang kagyat bago ang gayong halalan.
SEKSYON 3
Dapat magkaroon ng isang Pangalawang Pangulo na may katangian at taning ng panunungkulan na katulad ng sa Pangulo at dapat mahalal na kasabay at sa paraang katulad ng sa Pangulo. Maaari siyang alisin sa panunungkulan sa paraang katulad ng sa Pangulo.
Ang Pangalawang Pangulo ay maaaring hiranging Kagawad ng Gabinete. Hindi kinakailangan ang ano mang kumpirmasyon sa gayong paghirang.
SEKSYON 4
Ang Pangulo at ang Pangalawang Pangulo ay dapat mahalal sa pamamagitan ng tuwirang boto ng sambayanan para sa taning na anim na taon na magsisimula sa katanghalian ng ikatatlumpung araw ng Hunyo na sumusunod sa araw ng halalan at magtatapos sa katanghalian ng gayon ding petsa pagkaraan ng anim na taon. Ang Pangulo ay hindi magiging karapat-dapat sa ano mang muling paghahalal. Ang sino mang tao na humalili bilang Pangulo at naglingkod nang gayon sa loob ng mahigit na apat na taon ay hindi dapat maging kwalipikado sa paghahalal sa katularing katungkulan sa alin mang panahon.
Hindi dapat manungkulan ang sino mang Pangalawang Pangulo sa loob ng mahigit sa dalawang magkasunod na taning ng panunungkulan. Ang boluntaryong pagtalikod sa katungkulan sa ano mang tagal ng panahon ay hindi dapat ituring na pagkauntol sa pagpapatuloy ng paglilingkod para sa buong taning na panahon ng panunungkulan na pinaghalalan sa kanya.
Maliban kung magtakda ng naiiba ang batas, ang regular na halalan para sa Pangulo at Pangalawang Pangulo ay dapat iraos sa ikalawang Lunes ng Mayo.
Ang mga ulat ng bawat halalan para sa Pangulo at Pangalawang Pangulo, na pinatibayan gaya ng nararapat ng lupong tagabilang ng bawat lalawigan o lungsod, ay dapat ipadala sa Kongreso, tukoy sa Pangulo ng Senado. Pagkatanggap sa mga sertipiko sa bilang, dapat buksan ng Pangulo ng Senado, nang hindi lalampas ang tatlumpung araw pagkaraan ng araw ng halalan, ang lahat ng mga sertipiko sa harap ng Senado at ng Kapulungan ng mga Kinatawan sa magkasamang hayagang sesyon, at dapat bilangin ng Kongreso ang mga boto sa sandaling matiyak ang pagiging totoo at ang nararapat na pagsasagawa niyon sa paraang itinatadhana ng batas.
Ang taong may pinakamaraming bilang ng mga boto ay dapat ihayag na nahalal, ngunit sakaling dalawa o higit pa ang magkaroon ng patas at pinakamaraming bilang ng mga boto, ang isa sa kanila ay dapat piliin agad sa pamamagitan ng nakararaming boto ng lahat ng mga kagawad ng dalawang Kapulungan ng Kongreso sa magkahiwalay na pagboto. Dapat maglagda ang Kongreso ng mga tuntunin nito para sa pagbilang ng mga sertipiko.
Dapat maging tanging hukom ang Kataastaasang Hukuman, na nagkakalipon en banc, ng lahat ng mga hidwaan tungkol sa mga halalan, mga ulat, at mga kwalipikasyon ng Pangulo o Pangalawang Pangulo, at maaaring maglagda ng mga tuntunin nito para sa layuning iyon.
SEKSYON 5
Bago magsimula sa pagtupad ng kanilang katungkulan, ang Pangulo, ang Pangalawang Pangulo, o ang Nanunungkulang Pangulo ay dapat magsagawa ng sumusunod na panunumpa o pagpapatotoo:
“Mataimtim kong pinanunumpaan (o pinatototohanan) na tutuparin ko nang buong katapatan at sigasig ang aking mga tungkulin bilang Pangulo (o Pangalawang Pangulo o Nanunungkulang Pangulo) ng Pilipinas, pangangalagaan at ipagtatanggol ang kanyang Konstitusyon, ipatutupad ang mga batas nito, magiging makatarungan sa bawat tao, at itatalaga ang aking sarili sa paglilingkod sa Bansa. Kasihan nawa ako ng Diyos.” (Kapag pagpapatotoo, ang huling pangungusap ay kakaltasin.).
SEKSYON 6
Ang Pangulo ay dapat magkaroon ng isang tirahang opisyal. Ang mga sahod ng Pangulo at Pangalawang Pangulo ay dapat itakda ng batas at hindi dapat bawasan sa panahon ng kanilang panunungkulan. Hindi dapat magkabisa ang ano mang dagdag sa naturang sahod hanggang sa pagkatapos ng taning ng nanunungkulan na sa panahon ng kanyang panunungkulan pinagtibay ang gayong dagdag. Hindi sila dapat tumanggap sa panahon ng kanilang panunungkulan ng ano mang iba pang sweldo mula sa Pamahalaan o sa ano mang iba pang mapagkukunan.
SEKSYON 7
Ang halal na Pangulo at ang halal na Pangalawang Pangulo ay dapat manungkulan sa pagsisimula ng kanilang mga taning na panahon.
Kung ang halal na Pangulo ay hindi maging marapat sa tungkulin, ang halal na Pangalawang Pangulo ay dapat gumanap na Pangulo hanggang sa maging marapat ang halal na Pangulo.
Kung mangyari na hindi nakapili ng isang Pangulo, ang halal na Pangalawang Pangulo ay dapat gumanap na Pangulo hanggang sa makapili at maging marapat ang isang Pangulo.
Kung sa pagsisimula ng panahon ng panunungkulan ng Pangulo ay namatay o pamalagiang nabalda ang halal na Pangulo, ang halal na Pangalawang Pangulo ay dapat maging Pangulo.
Sakaling hindi nakapili o hindi naging marapat ang isang Pangulo at Pangalawang Pangulo, o sakaling sila ay kapwa namatay o pamalagiang nabalda, ang Pangulo ng Senado o, kung hindi nito kaya, ang Ispiker ng Kapulungan ng mga Kinatawan ay dapat gumanap na Pangulo hanggang sa makapili at maging marapat ang isang Pangulo o isang Pangalawang Pangulo.
Dapat magtakda sa pamamagitan ng batas ang Kongreso para sa pagpili ng isang tao na manunungkulang Pangulo hanggang sa maging kwalipikado ang isang Pangulo o isang Pangalawang Pangulo, kung mangyari ang pagkamatay, pamalagiang pagkabalda, o kawalang-kaya ng mga opisyal na tinukoy sa sinundang talataan.
SEKSYON 8
Kung mangyari ang pamalagiang pagkabalda, pagkamatay, pagkaalis sa katungkulan o pagbibitiw ng Pangulo, ang Pangalawang Pangulo ay dapat maging Pangulo na manunungkulan para sa di-natapos na bahagi ng taning na panahon ng panunungkulan. Kung mangyari ang pamalagiang pagkabalda, pagkamatay, pagkaalis sa katungkulan o pagbibitiw ng Pangulo at Pangalawang Pangulo, ang Pangulo ng senado o, kung hindi nito kaya, ang Ispiker ng Kapulungan ng mga Kinatawan ang dapat gumanap kung gayon na Pangulo hanggang sa mahalal at maging marapat ang Pangulo o ang Pangalawang Pangulo.
Dapat magtakda sa pamamagitan ng batas ang Kongreso kung sino ang maglilingkod na Pangulo kung mangyari ang pagkamatay, pamalagiang pagkabalda, o pagbibitiw ng Nanunungkulang Pangulo. Siya ay dapat maglingkod hanggang sa ang Pangulo o ang Pangalawang Pangulo ay mahalal at maging marapat, at dapat sumailalim sa katularing mga katakdaan ng mga kapangyarihan at diskwalipikasyong katulad ng sa Nanunungkulang Pangulo.
SEKSYON 9
Kailanman at may bakante sa katungkulan ng Pangalawang Pangulo sa taning na panahon ng panunungkulan na pinaghalalan sa kanya, ang Pangulo ay dapat magnomina ng isang Pangalawang Pangulo mula sa mga kagawad ng Senado at ng Kapulungan ng mga Kinatawan na dapat manungkulan sa sandaling makumpirmahan ng nakararaming boto ng lahat ng mga kagawad ng dalawang Kapulungan ng Kongreso sa magkahiwalay na pagboto.
SEKSYON 10
Ang Kongreso ay dapat magsimula ng pagpupulong sa ikasampu ng umaga ng ikatlong araw pagkaraang mabakante ang mga katungkulan ng Pangulo at ng Pangalawang Pangulo, alinsunod sa mga alituntunin nito na hindi na mangangailangang itawag, at sa loob ng pitong araw ay magpatibay ng batas na tumatawag ng tanging halalan upang maghalal ng isang Pangulo at isang Pangalawang Pangulo na idaraos nang hindi aaga sa apatnapu’t limang araw o di lalampas sa animnapung araw mula sa panahon ng pagtawag na iyon. Ang panukalang-batas sa pagtawag ng tanging halalan ay ituturing na pinagtibay sa ilalim ng talataan 2, Seksyon 2, Artikulo VI ng Konstitusyong ito at dapat maging batas matapos pagtibayin sa ikatlong pagbasa ng Kongreso. Ang laang-gugulin para sa tanging halalan ay kukunin sa alin mang kasalukuyang laang-gugulin at hindi dapat masaklaw ng mga pangunang kinakailangan na itinakda ng Talataan 4, Seksyon 25, Artikulo VI ng Konstitusyong ito. Ang pagpupulong ng Kongreso ay hindi maaaring suspindihin ni ipagpaliban kaya ang tanging halalan. Hindi dapat tumawag ng ano mang tanging halalan kapag ang pagkabakante ay nangyari sa loob ng labingwalong buwan bago sumapit ang petsa ng susunod na halalang pampanguluhan.
SEKSYON 11
Kailan man at nagpahatid ang Pangulo sa Pangulo ng Senado at sa Ispiker ng Kapulungan ng mga Kinatawan ng kanyang nakasulat na deklarasyon na hindi niya kayang gampanan ang mga kapangyarihan at tungkulin ng kanyang katungkulan, at hangga’t hindi siya nagpapahatid sa kanila ng nakasulat na salungat na deklarasyon, ang gayong mga kapangyarihan at mga tungkulin ay dapat gampanan ng Pangalawang Pangulo bilang Nanunungkulang Pangulo.
Kailanman at ang nakararami sa lahat ng mga Kagawad ng Gabinete ay nagpahatid sa Pangulo ng Senado at sa Ispiker ng Kapulungan ng mga Kinatawan ng kanilang nakasulat na deklarasyon na hindi kayang gampanan ng Pangulo ang mga kapangyarihan at tungkulin ng kanyang katungkulan, ang Pangalawang Pangulo ang dapat bumalikat agad sa mga kapangyarihan at tungkulin ng katungkulan bilang Nanunungkulang Pangulo.
Pagkatapos niyon, kapag ang Pangulo ay nagpahatid sa Pangulo ng Senado at sa Ispiker ng Kapulungan ng mga Kinatawan ng kanyang nakasulat na deklarasyon na walang umiiral na ano mang kawalang-kaya, dapat niyang balikating muli ang mga kapangyarihan at tungkulin ng kanyang katungkulan. Samantala, kapag ang nakararami sa lahat ng mga kagawad ng Gabinete ay nagpahatid sa Pangulo ng Senado at sa Ispiker ng Kapulungan ng mga Kinatawan sa loob ng limang araw ng kanilang nakasulat na deklarasyon na hindi kayang gampanan ng Pangulo ang mga kapangyarihan at tungkulin ng kanyang katungkulan, dapat pagpasyahan ng Kongreso ang isyu. Para sa layuning iyon, dapat magpulong ang Kongreso sa loob ng apatnapu’t walong oras, kung ito ay walang sesyon, alinsunod sa mga Alituntunin nito at hindi na nangangailangang itawag.
Kung ipasya ng Kongreso, sa loob ng sampung araw pagkatanggap sa huling nakasulat na deklarasyon, o, kung walang sesyon, sa loob ng labindalawang araw pagkaraang ito ay kinakailangang magkatipon, sa pamamagitan ng dalawang-katlong boto ng kapwa Kapulungan ng Kongreso, sa magkahiwalay na pagboto, na hindi kayang gampanan ng Pangulo ang mga kapangyarihan at tungkulin ng kanyang katungkulan, ang Pangalawang Pangulo ang dapat manungkulang Pangulo; kung hindi, dapat magpatuloy ang Pangulo sa paghlpad ng mga kapangyarihan at tungkulin ng kanyang katungkulan.
SEKSYON 12
Sakaling magkasakit nang malubha ang Pangulo, dapat ipabatid sa taong-bayan ang kalagayan ng kanyang kalusugan. Ang mga Kagawad ng Gabinete na nangangasiwa sa kapanatagang pambansa at ugnayang panlabas, at ang Puno ng Estado ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas, ay hindi dapat pagkaitang makalapit sa Pangulo sa panahon ng gayong pagkakasakit.
SEKSYON 13
Ang Pangulo, Pangalawang Pangulo, ang mga Kagawad ng Gabinete, at ang kanilang mga depyuti o mga pangalawa, sa loob ng taning na panahon ng kanilang panunungkulan, ay hindi dapat humawak ng ano mang iba pang katungkulan o employment maliban kung nagtatadhana ng naiiba sa Konstitusyong ito. Sa panahon ng nasabing panunungkulan, sila ay hindi dapat magpraktis nang tuwiran o di-tuwiran ng ano mang iba pang propesyon, lumahok nang tuwiran o di-tuwiran sa ano mang negosyo, o maging interesado sa pananalapi nang tuwiran o di-tuwiran sa ano mang kontrata, o sa alin mang prangkisya, o natatanging pribilehyo na kaloob ng Pamahalaan o ng alin mang bahagi, sangay o instrumental niyon, kasama ang alin mang korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan o mga subsidyan nito. Dapat nilang pakaiwasang mahigpit ang salungat na interes sa pagtupad ng kanilang katungkulan.
Ang asawa at mga kamag-anak ng Pangulo sa dugo o sa relasyon hanggang sa ikaapat na antas sibil, sa taning na panahon ng kanyang panunungkulan, ay hindi dapat mahirang na mga Kagawad ng mga Komisyong Konstitusyonal, o ng Tanggapan ng Ombudsman, o mga Kalihim, mga Pangalawang Kalihim, mga tagapangulo o mga puno ng mga kawanihan o mga tanggapan, kasama ang mga korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan at mga subsidyan nito.
SEKSYON 14
Ang mga ginawang paghirang ng Nanunungkulang Pangulo ay mananatiling maybisa, maliban kung pawalang-saysay ng halal na Pangulo sa loob ng siyamnapung araw mula sa kanyang paghawak o muling paghawak ng katungkulan.
SEKSYON 15
Ang isang Pangulo o Nanunungkulang Pangulo ay hindi dapat gumawa ng mga paghirang sa loob ng dalawang buwan kagyat bago sumapit ang susunod na halalang pampanguluhan at hanggang sa matapos ang kanyang taning ng panunungkulan, matangi sa mga pansamantalang paghirang sa mga katungkulang tagapagpaganap kung ang patuloy na mga pagkabakante roon ay makapipinsala sa lingkurang pambayan o magsasapanganib sa kaligtasang pambayan.
SEKSYON 16
Ang Pangulo ay dapat magnomina at, sa pagsang-ayon ng Komisyon sa Paghirang, dapat humirang ng mga puno ng mga kagawarang tagapagpaganap, mga ambasador, iba pang mga pambayang minister at konsul, o mga pinuno ng sandatahang lakas mula sa ranggong koronel o kapitan ng hukbong pandagat at iba pang mga pinuno na ang mga paghirang ay nakasalalay sa kanya sa Konstitusyong ito Dapat din niyang hirangin ang lahat ng iba pang mga pinuno ng Pamahalaan na ang paghirang sa kanila ay walang ibang itinatadhana ng batas, at ng mga maaari niyang hirangin sa pamamagitan ng batas. Ang Kongreso, sa pamamagitan ng batas, ay maaaring magsalalay sa Pangulo lamang, sa mga hukuman, o sa mga puno ng mga kagawaran, mga sangay, mga komisyon o mga kalupunan, ng kapangyarihang humirang ng iba pang mga nakabababang pinuno.
Ang Pangulo ay dapat magkaroon ng kapangyarihang gumawa ng mga paghirang sa panahon ng pahinga ng Kongreso, kusa o sapilitan man, subalit ang gayong mga paghirang ay dapat na maybisa lamang hanggang sa disaprubahan ng Komisyon sa Paghirang o hanggang sa susunod na pagtitindig ng pulong ng Kongreso.
SEKSYON 17
Ang Pangulo ay dapat magkaroon ng kontrol sa lahat ng mga kagawarang tagapagpaganap, mga kawanihan, at mga tanggapan. Dapat niyang seguruhin ang matapat na pagpapatupad ng mga batas.
SEKSYON 18
Dapat maging Commander-in-Chief ng lahat ng mga sandatahang lakas ng Pilipinas ang Pangulo at, kailanma’t kakailanganin, maaari niyang atasan ang nasabing mga sandatahang lakas na pigilin o sugpuin ang labag sa batas na karahasan, pananalakay, o paghihimagsik. Kung sakaling may pananalakay o paghihimagsik, kapag kakailanganin ng kaligtasang pambayan, maaaring suspindihin niya, nang hindi hihigit sa animnapung araw, ang pribilehyo ng writ of habeas corpus o ipailalim sa batas militar ang Pilipinas o ang alin mang bahagi nito. Sa loob ng apatnapu’t walong oras ng pagkapahayag ng batas militar o pagkasuspindi ng pribilehyo ng writ of habeas corpus, ang Pangulo ay dapat magharap ng personal o nakasulat na ulat sa Kongreso. Maaaring pawalang-saysay ng Kongreso, sa magkasamang pagboto, sa pamamagitan ng boto ng mayorya man lamang ng lahat ng mga Kagawad nito sa regular o tanging sesyon, ang nasabing pagkapahayag o pagkasuspindi, na hindi dapat isaisantabi ng Pangulo ang pagpapawalang-saysay na iyon. Sa pagkukusa ng Pangulo, maaaring palawigin ng Kongreso sa katulad na paraan ang nasabing pagkapahayag o pagkasuspindi sa loob ng panahong itatakda ng Kongreso kung magpapatuloy ang pananalakay o paghihimagsik at kakailanganin ng kaligtasang pambayan.
Ang Kongreso, kung walang sesyon, ay dapat magsimula ng pagpupulong sa loob ng dalawampu’t apat na oras kasunod ng nasabing pagpapahayag o pagsuspindi, alinsunod sa mga alituntunin nito na hindi na nangangailangang itawag.
Maaaring ribyuhin ng Kataastaasang Hukuman, sa isang nararapat na prosiding na iniharap ng sino mang mamamayan, ang kasapatan ng pinagbatayang pangyayari sa pagpapahayag ng batas militar o sa pagsususpindi ng pribilehyo ng writ o pagpapalawig niyon at kinakailangang maglagda ng pasya nito tungkol doon sa loob ng tatlumpung araw mula sa pagkaharap nito.
Ang kalagayang batas militar ay hindi sumususpindi sa pag-iral ng Konstitusyon, ni hindi pumapalit sa panunungkulan ng mga hukumang sibil o mga kapulungang tagapagbatas, ni hindi nagpapahintulot sa pagbibigay sa mga sangay at hukumang militar ng hurisdiksyon sa mga sibilyan kung ang mga hukumang sibil ay nakapanunungkulan, ni hindi kusang nagsususpindi sa pribilehyo ng writ.
Ang pagsuspindi sa pribilehyo ng writ ay dapat sumaklaw lamang sa mga taong isinakdal sa hukuman ng paghihimagsik o ng mga pagkakasalang likas o tuwirang kaugnay sa pananalakay. Sa panahong suspindido ang pribilehyo ng writ, ang sino mang tao na dinakip o ipiniit sa gayon ay dapat ipagsakdal sa hukuman sa loob ng tatlong araw, kung hindi, dapat siyang palayain.
SEKSYON 19
Maliban sa mga kaso ng impeachment, o sa naiiba pang itinatadhana sa Konstitusyong ito, ang Pangulo ay maaaring magkaloob ng mga palugit, pagpapagaan ng parusa, at patawad, at maaaring magpawalang-saysay ng mga multa at pagsamsam, pagkalagda ng pangwakas na hatol.
Dapat din na magkaroon siya ng kapangyarihang magkaloob ng amnesti sa pagsang-ayon ng mayorya ng lahat ng mga kagawad ng Kongreso.
SEKSYON 20
Maaaring makipagkontrata o gumarantya ang Pangulo ng mga pag-utang sa labas ng bansa sa kapakanan ng Republika ng Pilipinas na may pagsang-ayon muna ng Monetary Board, at sasailalim ng mga katakdaang maaaring itadhana ng batas. Ang Monetary Board ay dapat magharap sa Kongreso, sa loob ng tatlumpung araw mula sa pagtatapos ng bawat kwarter ng taong pangkalendaryo, ng buong ulat ng mga pasya nito tungkol sa mga aplikasyon sa mga pag-utang na kokontratahin o gagarantyahan ng Pamahalaan o ng mga korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan na makapagpapalaki sa pagkakautang sa ibang bansa, at naglalaman ng iba pang mga bagay-bagay na maaaring itadhana ng batas.
SEKSYON 21
Hindi dapat maging balido at maybisa ang ano mang kasunduang-bansa o kasunduang internasyonal nang walang pagsang-ayon ng dalawang-katlo man lamang ng lahat ng mga Kagawad ng Senado.
SEKSYON 22
Dapat magharap ang Pangulo sa Kongreso sa loob ng tatlumpung araw mula sa pagbubukas ng bawat regular na sesyon, bilang batayan ng panukalang-batas sa pangkalahatang laang-gugulin, ng badyet ng mga gugulin at mga mapagkukunan ng pananalapi, kasama ang mga tinanggap mula sa kasalukuyan at panukalang mga batas sa rebenyu.
SEKSYON 23
Dapat magtalumpati ang Pangulo sa Kongreso sa pagbubukas ng regular na sesyon nito. Maaaring humarap din siya rito kahit sa iba pang pagkakataon.