Talaan ng mga Nilalaman
SEKSYON 1
Dapat masalalay sa isang Kongreso ng Pilipinas ang kapangyarihang Tagapagbatas, na dapat na binubuo ng isang Senado at isang Kapulungan ng mga Kinatawan, maliban sa lawak na inilaan sa mga taongbayan ng tadhana tungkol sa pagpapatiuna at reperendum.
SEKSYON 2
Ang Senado ay dapat buuin ng dalawampu’t apat na Senador na dapat ihalal sa kalahatan ng mga kwalipikadong botante ng Pilipinas, ayon sa maaaring itadhana ng batas.
SEKSYON 3
Hindi dapat maging Senador ang sino mang tao matangi kung siya ay katutubong inaanak na mamamayan ng Pilipinas, at, sa araw ng halalan, tatlumpu’t limang taong gulang man lamang, nakababasa at nakasusulat, rehistradong botante, at naninirahan sa Pilipinas sa loob ng panahong hindi kukulangin sa dalawang taon kagyat bago sumapit ang araw ng halalan.
SEKSYON 4
Ang taning ng panunungkulan ng mga Senador ay dapat na anim na taon at dapat magsimula, matangi kung may naiibang itinatadhana ang batas, sa katanghalian ng ikatatlumpung araw ng Hunyo na sumusunod sa araw ng pagkakahalal sa kanila.
Hindi dapat manungkulan ang sino mang Senador nang mahigit sa dalawang magkasunod na taning ng panunungkulan. Ang boluntaryong pagtalikod sa katungkulan sa ano mang tagal ng panahon ay hindi dapat ituring na pagkauntol sa pagpapatuloy ng kanyang paglilingkod para sa buong taning na panahon ng panunungkulan na pinaghalalan sa kanya.
SEKSYON 5
(1) Ang Kapulungan ng mga Kinatawan ay dapat buuin ng hindi hihigit sa dalawang daan at limampung kagawad matangi kung magtakda ang batas ng naiiba, na dapat ihalal mula sa mga purok pangkapulungan na pinag-ayaw-ayaw sa mga lalawigan, mga lungsod at Metropolitan Manila Area ayon sa rami ng kinauukulang mga naninirahan, at batay sa magkakatulad at paunlad na pagdami at yaong ayon sa itinatadhana ng batas ay dapat ihalal sa pamamagitan ng sistemang partilist ng rehistradong mga partido o organisasyong pambansa, panrehyon, at pansektor.
(2) Ang mga kinatawang partilist ay dapat na binubuo ng dalawampung porsyento ng lahat ng mga kagawad ng Kapulungan ng mga Kinatawan. Sa loob ng tatlong magkakasunod na taning ng panunungkulan pagkaraang maratipikahan ang Konstitusyong ito, ang kalahati sa mga pwestong nakalaan sa mga kinatawang partilist ay dapat punan, ayon sa itinatadhana ng batas, sa pamamagitan ng pagpili o paghahalal mula sa sektor ng mga manggagawa, magsasaka, mahirap na taga-lungsod, mga katutubong pamayanang pangkalinangan, mga kababaihan, kabataan at sa iba pang mga sektor na maaaring itadhana ng batas, maliban sa sektor na panrelihyon.
(3) Ang bawat purok pangkapulungan ay dapat buuin, hangga’t maaari, ng teritoryong magkakaratig, buo, at magkakatabi. Ang bawat lungsod na ang populasyon ay dalawang daa’t limampung libo man lamang, o ang bawat lalawigan, ay dapat magkaroon ng isa man lamang kinatawan.
(4) Sa loob ng tatlong taon na kasunod ng ulat ng bawat sensus, ang Kongreso ay dapat gumawa ng muling pag-aayaw-ayaw ng mga purok pangkapulungan batay sa mga pamantayang itinatadhana sa seksyong ito.
SEKSYON 6
Hindi dapat maging Kagawad ng Kapulungan ng mga Kinatawan ang sino mang tao matangi kung siya ay katutubong inianak na mamamayan ng Pilipinas at sa mga araw ng halalan, ay dalawampu’t limang taong gulang man lamang, nakababasa at nakasusulat, at, maliban sa mga kinatawang partilist, rehistradong botante sa purok na paghahalalan sa kanya, at nakapanirahan doon sa loob ng panahong hindi kukulangin sa isang taon kagyat bago sumapit ang araw ng halalan.
SEKSYON 7
Ang mga Kagawad ng Kapulungan ng mga Kinatawan ay dapat ihalal para sa taning na tatlong taon na magsisimula, matangi kung may naiibang itinatadhana ang batas, sa katanghalian ng ikatatlumpung araw ng Hunyo na sumusunod sa pagkahalal sa kanila.
Hindi dapat manungkulan ang sino mang Kagawad ng Kapulungan ng mga Kinatawan nang higit sa tatlong magkakasunod na taning ng panunungkulan. Ang boluntaryong pagtalikod sa katungkulan sa ano mang tagal ng panahon ay hindi dapat ituring na pagkauntol sa pagpapatuloy ng kanyang paglilingkod para sa buong taning na panahon ng panunungkulan na pinaghalalan sa kanya.
SEKSYON 8
Matangi kung may naiibang itatadhana ang batas, ang regular na halalan ng mga Senador at ng mga Kagawad ng Kapulungan ng mga kinatawan ay dapat iraos sa ikalawang Lunes ng Mayo.
SEKSYON 9
Kung magkabakante sa Senado o sa Kapulungan ng mga Kinatawan, maaaring tumawag ng tanging halalan upang punan ang pagkabakanteng iyon sa paraang itinatakda ng batas, ngunit ang Senador o Kagawad ng Kapulungan ng mga Kinatawan na mahahalal sa gayong paraan ay manunuparan sa loob lamang ng nalalabing panahon ng di pa natatapos na taning.
SEKSYON 10
Dapat itakda ng batas ang mga sahod ng mga Senador at ng mga Kagawad ng Kapulungan ng mga Kinatawan. Hindi dapat magkabisa ang ano mang pagdaragdag sa nasabing sahod hanggang hindi natatapos ang buong taning sa panunungkulan ng lahat ng mga Kagawad ng Senado at ng Kapulungan ng mga Kinatawan na nagpatibay sa pagdaragdag na iyon.
SEKSYON 11
Ang isang Senador o Kagawad ng Kapulungan ng mga Kinatawan, sa lahat ng mga paglabag na may parusang pagkabilanggong hindi hihigit sa anim na taon, ay dapat na may pribilehyo laban sa pagkaaresto habang may sesyon ang Kongreso. Ang isang Kagawad ay hindi dapat tanungin o papanagutin sa alin mang ibang lugar dahil sa ano mang talumpati o debate sa Kongreso o sa alin mang komite nito.
SEKSYON 12
Ang lahat ng mga Kagawad ng Senado at ng Kapulungan ng mga Kinatawan, sa Simula ng panunungkulan, ay dapat magsagawa ng ganap na pagsisiwalat ng kanilang mga interes na pampananalapi at pangnegosyo. Dapat ipabatid nila sa kinauukulang Kapulungan ang maaaring umusbong na salungat na interes sa paghaharap ng isang panukalang pagsasabatas na sila ang mga may-akda.
SEKSYON 13
Ang isang Senador o Kagawad ng Kapulungan ng mga Kinatawan ay hindi maaaring humawak sa panahon ng kanyang panunungkulan ng ano mang ibang katungkulan o employment sa pamahalaan, o sa alin mang bahagi, sangay, o instrumentaliti nito, kabilang ang mga korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan o mga subsidyari niyon, nang hindi magbibitiw sa kanyang katungkulan. Hindi rin siya dapat mahirang sa alin mang katungkulan na maaaring nalikha o naragdagan ang sahod sa loob ng taning na panahon ng panunungkulan na pinaghalalan sa kanya.
SEKSYON 14
Hindi maaaring personal na humarap ang sino mang Senador o Kagawad ng Kapulungan ng mga Kinatawan bilang abogado sa ano mang hukuman ng katarungan o sa mga Hukumang Panghalalan, o sa mga kalupunang malapanghukuman at sa iba pang mga kalupunang-pampangasiwaan. Hindi rin siya dapat maging interesado sa pananalapi nang tuwiran o di-tuwiran sa ano mang kontrata sa, o ano mang prangkisa o tanging pribilehyo na ipinagkaloob ng Pamahalaan, o ng alin mang bahagi, sangay o instrumentaliti nito, kasama ang alin mang korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan, o ang subsidyari nito, sa loob ng taning na panahon ng kanyang panunungkulan. Hindi siya dapat makialam sa ano mang bagay na maaari niyang pagkakitaan sa alin mang tanggapan ng Pamahalaan o bagay na maaari siyang tawagin upang magpasya dahil sa kanyang katungkulan.
SEKSYON 15
Ang Kongreso ay dapat magsimula ng pulong minsan isang taon sa ikaapat na Lunes ng Hulyo ukol sa regular na sesyon nito, matangi kung may ibang petsang itakda ang batas, at dapat magpatuloy na nagsesesyon sa loob ng tiyak na bilang ng mga araw na maaari nitong itakda hanggang sa tatlumpung araw bago magbukas ang susunod na regular na sesyon nito, hindi kasama ang Sabado, mga Linggo, at mga pista opisyal. Ang Pangulo ay maaaring tumawag ng tanging sesyon sa ano mang oras.
SEKSYON 16
(1) Ang Senado ay dapat maghalal ng Pangulo nito at ang Kapulungan ng mga Kinatawan ng ispiker nito, sa pamamagitan ng mayoryang boto ng lahat ng kaukulang mga Kagawad nito. Ang bawat Kapulungan ay dapat pumili ng iba’t ibang mga pinuno na sa palagay nito ay maaaring kinakailangan.
(2) Ang mayorya ng bawat Kapulungan ay dapat bumuo ng korum upang makatupad ng gawain, ngunit ang lalong maliit na bilang ay maaaring magtindig ng pulong sa magha-maghapon at maaaring sapilitang padaluhin ang mga Kagawad na hindi dumadalo sa ano mang paraan, at sa ilalim ng mga parusa, na maaaring itadhana ng Kapulungang iyon.
(3) Ang bawat Kapulungan ay maaaring magtakda ng mga alituntunin ng mga gawain nito, magparusa sa mga Kagawad nito dahil sa maligalig na kaasalan, at sa pagsang-ayon ng dalawang-katlo ng lahat ng mga Kagawad nito, magsuspindi o magtiwalag ng isang Kagawad. Ang parusang suspensyon kapag ipinataw ay hindi dapat humigit sa animnapung araw.
(4) Ang bawat Kapulungan ay dapat mag-ingat ng isang Journal ng mga gawain nito, at sa pana-panahon ay maglathala niyon, maliban sa mga bahagi na sa pasya nito ay maaaring may kinalaman sa pambansang kapanatagan; at ang mga “Oo” at mga “Hindi” sa ano mang suliranin ay dapat itala sa Journal, sa kahilingan ng isang-kalima ng mga Kagawad na dumalo.
Ang bawat Kapulungan ay dapat ding mag-ingat ng isang Rekord ng mga gawain nito.
(5) Ang alin man sa dalawang Kapulungan sa panahon ng mga pagpupulong ng Kongreso ay hindi dapat magtindig ng pulong nang mahigit sa tatlong araw, o lumipat sa alin mang pook na iba sa sadyang pulungan ng dalawang Kapulungan, nang di kasang-ayon ang isa’t isa.
SEKSYON 17
Ang Senado at ang Kapulungan ng mga Kinatawan ay dapat magkaroon ng sari-sariling Hukumang Panghalalan na magiging tanging tagahatol ng lahat ng mga tunggalian hinggil sa halalan, mga ulat ng halalan, at mga kwalipikasyon ng kani-kanilang mga Kagawad. Ang bawat Hukumang Panghalalan ay dapat buuin ng siyam na Kagawad, na ang tatlo ay dapat na mga Mahistrado ng Kataastaasang Hukuman na itatalaga ng Punong Mahistrado, at ang natitirang anim ay dapat na mga Kagawad ng Senada o ng Kapulungan ng mga Kinatawan, gaya ng nararapat, na pipiliin batay sa representasyong proporsyonal mula sa mga partidong pampulitika at sa mga partido o organisasyong nakarehistro sa ilalim ng sistemang partilist na kinakatawan doon. Ang nakatataas na Mahistrado sa Hukumang Panghalalan ay dapat na Tagapangulo nito.
SEKSYON 18
Dapat magkaroon ng isang Komisyon sa Paghirang na bubuuin ng Pangulo ng Senado, bilang Tagapangulo ex-officio, labindalawang Senador at labindalawang Kagawad ng Kapulungan ng mga Kinatawan, na halal ng bawat Kapulungan batay sa representasyong proporsyonal mula sa mga partidong pampulitika at sa mga partido o organisasyong nakarehistro sa ilalim ng sistemang partilist na kinatawan doon. Ang Tagapangulo ng Komisyon ay hindi dapat bumoto, maliban sa kaso ng pagpapatas. Dapat magpasya ang Komisyon sa lahat ng mga paghirang na iniharap dito sa loob ng tatlumpung araw ng sesyon ng Kongreso mula sa paghaharap ng mga ito. Dapat maglagda ng pasya ang Komisyon sa pamamagitan ng mayoryang boto ng lahat ng mga Kagawad.
SEKSYON 19
Ang mga Hukumang Panghalalan at ang Komisyon sa Paghirang ay dapat buuin sa loob ng tatlumpung araw makaraang matatag ang Senado at ang Kapulungan ng mga Kinatawan sa pagkakahalal ng Pangulo ng Senado at ng Ispiker. Ang Komisyon sa Paghirang ay dapat magpulong sa panahon lamang na may sesyon ang Kongreso, sa tawag ng Tagapangulo nito o ng nakararami sa mga kagawad nito, upang tuparin ang mga kapangyarihan at tungkuling ipinagkakaloob dito.
SEKSYON 20
Ang mga rekord at mga libro ng kwenta ng Kongreso ay dapat pangalagaan at ilahad sa madla nang naaayon sa batas, at ang gayong mga libro ay dapat maawdit ng Komisyon sa Awdit na maglalathala taun-taon ng isina-isang listahan ng mga halagang ibinayad sa at ginugol para sa bawat Kagawad.
SEKSYON 21
Ang Senado o ang Kapulungan ng mga Kinatawan o alin man sa kanilang mga kaukulang komite ay maaaring magsagawa ng mga pagsisiyasat bilang tulong sa pagbabatas ayon sa mga alituntunin ng mga pamamaraan nito na marapat na nalathala. Dapat igalang ang mga karapatan ng mga taong humarap sa o apektado ng gayong mga pagsisiyasat.
SEKSYON 22
Ang mga puno ng mga kagawaran, sa kanilang sariling pagkukusa na kasang-ayon ang Pangulo, o sa kahilingan ng alin man sa dalawang Kapulungan, gaya ng dapat itadhana ng mga alituntunin ng bawat Kapulungan, ay maaaring humarap at dinggin ng gayong Kapulungan hinggil sa ano mang bagay na nauugnay sa kanilang mga kagawaran. Ang mga nakasulat na katanungan ay dapat iharap sa Pangulo ng Senado o sa Ispiker ng Kapulungan ng mga Kinatawan tatlong araw man lamang bago sumapit ang kanilang nakatakdang pagharap. Ang mga interpelasyon ay hindi dapat na tungkol lamang sa naiharap na mga katanungang nakasulat kundi maaari ring sumaklaw sa iba pang mga bagay-bagay na kaugnay nito. Kapag kakailanganin ng kapanatagan ng Estado o ng kapakanang pambayan at ito ay ilalahad nang nakasulat ng Pangulo, dapat isagawa ang pagharap sa isang sesyong tagapagpaganap.
SEKSYON 23
(1) Ang Kongreso, sa pamamagitan ng botong dalawang-katlo ng dalawang Kapulungan na magkasamang natitipon sa sesyon, sa magkahiwalay na pagboto, ay may tanging kapangyarihang magpahayag ng pag-iral ng kalagayang digma.
(2) Sa mga panahon ng digma o iba pang pambansang kagipitan, ang Kongreso, sa pamamagitan ng batas, ay maaaring mag-awtorisa sa Pangulo, sa isang natatakdaang panahon at sa ilalim ng mga paghihigpit na maaaring ilagda nito, na gumamit ng mga kapangyarihang kinakailangan at naaangkop upang isagawa ang idiniklarang pambansang patakaran. Matangi kung bawiin nang lalong maaga sa pamamagitan ng kapasyahan ng Kongreso, ang gayong kapangyarihan ay mawawala sa susunod na pagtitindig ng pulong.
SEKSYON 24
Ang lahat ng mga panukalang-batas sa laang-gugulin, rentas o taripa, mga panukalang-batas na nagpapahintulot ng pagdaragdag ng utang na pambayan, mga panukalang-batas na may bisang lokal, at mga panukalang-batas na pansarili ay dapat magmula sa Kapulungan ng mga Kinatawan lamang, ngunit maaaring magpanukala o sumang-ayon sa pamamagitan ng mga susog ang Senado.
SEKSYON 25
(1) Maaaring hindi dagdagan ng Kongreso ang mga laang-gugulin na inirekomenda ng Pangulo para sa pagpapakilos ng Pamahalaan ayon sa tinukoy sa badyet. Dapat itakda ng batas ang anyo, nilalaman, at paraan ng paghahanda ng badyet.
(2) Hindi dapat mapaloob ang ano mang tadhana o pagsasabatas sa panukalang-batas ng pangkalahatang mga laang-gugulin matangi kung ito ay tumutukoy sa isang partikular na laang-gugulin doon. Ang ano mang gayong tadhana o pagsasabatas ay dapat sumaklaw lamang sa tinutukoy na laang-gugulin.
(3) Ang pamamaraan sa pagpapatibay ng mga laang gugulin para sa Kongeso ay dapat sumunod nang mahigpit tulad ng sa pamamaraan ng pagpapatibay ng mga laang-gugulin para sa ibang mga kagawaran at sangay.
(4) Ang isang tanging panukalang-batas ng laang-gugulin ay dapat tumukoy sa layuning pinag-uukulan nito, at dapat tustusan ng mga pondong aktwal na magagamit na pinatunayan ng Pambansang Ingat-yaman, o lilikumin sa pamamagitan ng kinauukulang panukalang rentas na nakapaloob doon.
(5) Hindi dapat magpatibay ng isang batas na magpapahintulot ng ano mang paglilipat ng mga laang-gugulin; gayon man, ang Pangulo, ang Pangulo ng Senado, ang Ispiker ng Kapulungan ng mga Kinatawan, ang Punong Mahistrado ng Kataastaasang Hukuman, at ang mga puno ng mga Komisyong Konstitusyonal ay maaaring pahintulutan sa pamamagitan ng batas na dagdagan ang alin mang aytem sa panukalang-batas ng pangkalahatang mga laang-gugulin ukol sa kani-kanilang tanggapan mula sa natipid sa ibang mga aytem ng kani-kanilang mga laang-gugulin.
(6) Ang mga pondong diskresyonaryo na inilaan para sa partikular na mga opisyal ay dapat na ipambayad lamang ukol sa mga layuning pambayan na patutunayan ng nararapat na mga botser at sasailalim ng mga panuntunan na maaring itakda ng batas.
(7) Kung sa katapusan ng alin mang taong piskal, ang Kongreso ay hindi makapagpatibay ng panukalang-batas ng pangkalahatang mga laang-gugulin ukol sa pumapasok na taong piskal, ang panukalang-batas ng pangkalahatang mga laang-gugulin ukol sa nakaraang taong piskal ay dapat ituring na muling napagtibay at dapat manatiling umiiral at maybisa hanggang sa mapagtibay ng Kongreso ang panukalang-batas ng pangkalahatang mga laang-gugulin.
SEKSYON 26
(1) Ang bawat panukalang-batas na pinagtibay ng Kongreso ay dapat sumaklaw sa isang paksa lamang na dapat nakalahad sa pamagat nito.
(2) Hindi dapat maging batas ang ano mang panukalang-batas na pinagtibay ng alin mang Kapulungan matangi kung ito ay mapagtibay sa tatlong pagbasa sa magkakahiwalay na araw, at ang nakalimbag na mga sipi nito sa pangwakas na anyo ay naipamahagi na sa mga Kagawad nito tatlong araw bago mapagtibay ito, maliban kung ang Pangulo ay magpapatunay sa pangangailangan ng madaliang pagsasabatas nito upang matugunan ang isang pambayang kalamidad o kagipitan. Sa huling pagbasa ng isang panukalang-batas, hindi dapat payagan ang ano mang susog dito, at ang pagbobotohan hinggil dito ay isasagawa kagyat pagkaraan nito, at itatala sa Journal ang mga “Oo” at mga “Hindi”.
SEKSYON 27
(1) Ang bawat panukalang-batas na mapagtibay ng Kongreso ay dapat iharap sa Pangulo bago maging batas. Dapat niyang lagdaan ito kung sinasang-ayunan niya; kung hindi, dapat niyang betohan at ibalik na kalakip ang kanyang mga tutol sa Kapulungang pinanggalingan nito, na dapat magpasok ng mga tutol sa kabuuan sa katitikan nito at muling isaalang-alang ang panukalang-batas. Kung, pagkaraan ng gayong muling pagsasaalang-alang, ang dalawang-katlo ng lahat ng mga Kagawad ng Kapulungang iyon ay magkaisang pagtibayin ang panukalang-batas, dapat ipadala ito, kalakip ang mga tutol, sa kabilang Kapulungan upang muling isaalang-alang niyon, at kung pagtibayin ng dalawang-katlo ng lahat ng mga Kagawad ng Kapulungang iyon, ito’y magiging batas. Sa lahat ng gayong mga pangyayari, ang mga boto ng bawat Kapulungan ay dapat pagpasyahan sa pamamagitan ng mga “Oo” o mga “Hindi”, at dapat itala sa Journal nito ang mga pangalan ng mga Kagawad na bumoto nang ayon o salungat. Dapat ipabatid ng Pangulo ang kanyang pagbeto sa alin mang panukalang-batas sa Kapulungang pinanggalingan nito sa loob ng tatlumpung araw matapos matanggap ito, at kung hindi, ito ay dapat maging batas na para na ring nilagdaan niya.
(2) Dapat magkaroon ang Pangulo ng kapangyarihang bumeto ng ano mang partikular na aytem o mga aytem sa isang panukalang-batas sa laang-gugulin, rentas, o taripa, ngunit hindi dapat magkabisa ang beto sa aytem o mga aytem na hindi niya tinututulan.
SEKSYON 28
(1) Dapat na maging pantay-pantay at makatarungan ang tuntunin sa pagbubwis. Dapat bumalangkas ang Kongreso ng isang paunlad na sistema ng pagbubwis.
(2) Ang Kongreso, sa pamamagitan ng batas, ay maaaring magpahintulot sa Pangulo na magtakda sa loob ng mga tiyak na hangganan, at sa ilalim ng mga katakdaan at paghihigpit na maaaring ipataw nito, ng singil sa taripa, mga kota sa import at eksport, mga bayad sa tonnage at mga pagdaong, at iba pang mga bayarin o singilin, sa loob ng balangkas ng programa ng Pamahalaan ukol sa pambansang pagpapaunlad.
(3) Dapat malibre sa pagbabayad ng bwis ang mga institusyong pangkawanggawa, mga simbahan, at mga rektorya o mga kumbento na kaugnay nito, mga mosque, di pangnegosyong mga sementeryo, at lahat ng mga lupain, mga gusali, at mga mehora na aktwal, tuwiran, at tanging gamit sa mga layuning panrelihyon, pangkawanggawa, o pang-edukasyon.
(4) Hindi dapat magpatibay ng batas na magkakaloob ng ano mang pagkalibre sa bwis nang walang pagsang-ayon ng mayorya ng lahat ng mga Kagawad ng Kongreso.
SEKSYON 29
(1) Hindi dapat magbayad ng salapi mula sa Kabang-yaman maliban kung ito ay ayon sa laang-guguling isinagawa sa pamamagitan ng batas.
(2) Hindi kailanman dapat ilaan, iukol, ibayad, o gamitin ang ano mang salapi, o ariariang pambayan, sa tuwiran o di-tuwiran, para sa gamit, pakinabang, o tangkilik sa ano mang sekta, simbahan, denominasyon, institusyong sektaryan, o sistema ng relihyon, o sa sino mang pari, pastor, ministro, o iba pang mga guro o dignitaryo ng relihyon bilang gayon, maliban kung ang gayong pari, pastor, ministro, o dignitaryo ay nakatalaga sa mga sandatahang lakas, o sa alin mang institusyong penal, o ampunan o leprosaryum ng pamahalaan.
(3) Ang lahat ng salapi na nalikom sa ano mang bwis na ipinataw para sa isang tanging layunin ay dapat ituring na isang tanging pondo at dapat ipambayad para sa layuning iyon lamang. Kung tapos na o itinigil ang layuning kinauukulan ng paglikha ng tanging pondo, ang balanse, kung mayroon, ay dapat ilipat sa pangkalahatang mga pondo ng Pamahalaan.
SEKSYON 30
Hindi dapat magpatibay ng batas na nagdaragdag sa hurisdiksyon sa paghahabol ng Kataastaasang Hukuman na itinatadhana sa Konstitusyong ito nang walang tagubilin at pagsang-ayon nito.
SEKSYON 31
Hindi dapat magpatibay ng batas na nagkakaloob ng titulo ng pagkahari o pagkamaharlika.
SEKSYON 32
Dapat magtadhana ang Kongreso, sa lalong madaling panahon, ng isang sistema ng pagpapatiuna at reperendum, at ng mga kataliwasan doon, upang ang mga mamamayan ay tuwirang makapagpanukala at makagawa ng mga batas o makapagpatibay o makatanggi sa ano mang batas o bahagi nito na pinagtibay ng Kongreso o ng lokal na kalupunang pangkapulungan pagkaraang maipatala ang petisyon doon na nilagdaan ng sampung porsyento man lamang ng kabuuang bilang ng mga rehistradong botante, na ang bawat purok pangkapulungan ay kinakailangang katawanin ng tatlong porsyento man lamang ng mga rehistradong botante niyon.