Talaan ng mga Nilalaman
SEKSYON 1
Ang karapatan sa halal ay maaaring gampanan ng lahat ng mga mamamayan ng Pilipinas na hindi inalisan ng karapatan ng batas, na labingwalong taong gulang man lamang, at nakapanirahan sa Pilipinas sa loob ng isang taon man lamang, at anim na buwan man lamang sa lugar na kanilang bobotohan kagyat bago maghalalan. Walang dapat ipataw na literasi, ariarian o iba pang substantibong kinakailangan sa pagganap ng karapatan sa halal.
SEKSYON 2
Dapat magtakda ang Kongreso ng isang sistema para maseguro ang pagiging sekreto at sagrado ng balota at gayon din ng isang sistema para sa pagbotong liban ng mga kwalipikadong Pilipino na nasa ibang bansa.
Para sa mga taong may kapansanan at mga ilitireyt, ang Kongreso ay dapat bumalangkas ng isang pamamaraan na hindi na kakailanganin ang tulong ng mga ibang tao. Hanggang sa sumapit ang panahong iyon, sila ay pahihintulutang bumoto sa ilalim ng umiiral na mga batas at ng mga tuntuning maaaring ihayag ng Komisyon sa Halalan upang maprotektahan ang pagiging sekreto ng balota.