Talaan ng mga Nilalaman
A. MGA KARANIWANG TADHANA
SEKSYON 1
Ang mga Komisyong Konstitusyonal, na dapat na malaya, ay ang Komisyon sa Serbisyo Sibil, ang Komisyon sa Halalan, at ang Komisyon sa Awdit.
SEKSYON 2
Ang sino mang Kagawad ng isang Komisyong Konstitusyonal, sa panahon ng kanyang panunungkulan, ay hindi dapat humawak ng ibang katungkulan o trabaho. Hindi rin siya dapat magpraktis ng ano mang propesyon o aktibong mamahala o mangasiwa ng ano mang negosyo na sa ano pa mang paraan ay maaaring makaugnay sa mga gawain ng kanyang katungkulan, ni hindi dapat maging interesado sa pananalapi nang tuwiran o di tuwiran sa ano mang kontrata sa, o sa ano mang prangkisya o pribilehyong kaloob ng, Pamahalaan, o ano mang bahagi, sangay, o instrumentaliti niyon, kasama ang mga korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan o ang mga, sangay nito.
SEKSYON 3
Ang sahod ng Tagapangulo at ng mga Komisyonado ay dapat itakda ng batas at hindi dapat bawasan sa panahon ng kanilang panunungkulan.
SEKSYON 4
Dapat humirang ang mga Komisyong Konstitusyonal ng kanilang mga pinuno at kawani ayon sa batas.
SEKSYON 5
Dapat magtamasa ng pagsasarili sa pananalapi ang mga Komisyon. Dapat na kusa at regular na ipalabas ang kanilang pinagtibay na taunang laang-gugulin.
SEKSYON 6
Ang bawat Komisyon en banc ay maaaring maglagda ng sarili nitong mga tuntunin tungkol sa mga pleading at praktis dito o sa alin mang tanggapan nito. Gayon man, ang mga tuntuning iyon ay hindi dapat magbawas, magdagdag, o magbago ng mga karapatang makabuluhan.
SEKSYON 7
Ang bawat Komisyon ay dapat tumupad ng iba pang mga gawain na maaaring itadhana ng batas.
SEKSYON 8
Dapat pagpasyahan ng bawat Komisyon sa pamamagitan ng mayoryang boto ng lahat ng mga Kagawad nito ang ano mang kaso o bagay na iniharap sa pagpapasya o paglutas nito sa loob ng animnapung araw mula sa petsa ng pagkakaharap niyon. Ang isang kaso o bagay ay ituturing na iniharap sa pagpapasya o paglutas sa sandaling iharap ang panghuling pleading, brief, o memorandum na itinakda ng mga tuntunin ng Komisyon o ng Komisyon na rin. Matangi kung naiiba ang itinatadhana ng Konstitusyong ito o ng batas, ang ano mang pasya, utos, o hatol ng bawat Komisyon ay maaaring idulog sa bisa ng certiorari sa Kataastaasang Hukuman ng naghahabol na panig sa loob ng tatlumpung araw pagkatanggap ng isang sipi niyon.
B. ANG KOMISYON SA SERBISYO SIBIL
SEKSYON 1
(1) Ang serbisyo sibil ay dapat pangasiwaan ng Komisyon sa Serbisyo Sibil na binubuo ng isang Tagapangulo at dalawang Komisyonado na dapat ay mga katutubong inianak na mamamayan ng Pilipinas at, sa panahon ng pagkahirang sa kanila, tatlumpu’t limang taon man lamang ang gulang, may subok na kakayahan sa pangangasiwang pambayan, at hindi kailanman naging kandidato sa ano mang katungkulang halal sa halalang iniraos kagyat bago ang kanilang pagkakahirang.
(2) Ang Tagapangulo at ang mga Komisyonado ay dapat hirangin ng Pangulo sa pagsang-ayon ng Komisyon sa Paghirang para sa isang taning na panahon ng panunungkulan na pitong taon na di na muling mahihirang. Sa mga unang nahirang, ang Tagapangulo ay dapat manungkulan sa loob ng pitong taon, ang isang Komisyonado sa limang taon, at ang isa pang Komisyonado sa tatlong taon, na di na muling mahihirang. Ang paghirang ukol sa ano mang bakante ay dapat lamang sa di-natapos na bahagi ng taning na panahon ng panungkulan ng hahalinhan. Kailanman ay hindi dapat hirangin o italaga ang sino mang Kagawad sa katayuang pansamantala o nanunungkulan.
SEKSYON 2
(1) Sumasaklaw ang serbisyo sibil sa lahat ng mga sangay, mga subdibisyon, mga instrumentaliti at mga ahensya ng Pamahalaan, kasama ang mga korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan na may mga orihinal na karta.
(2) Ang mga paghirang sa serbisyo sibil ay dapat gawin lamang ayon sa kanilang merito at kabagayan na pagpapasyahan, hangga’t maaari, at maliban sa mga katungkulang nagpapasya ng patakaran, lubhang kompidensyal o totoong teknikal, sa pamamagitan ng paligsahang pagsusulit.
(3) Hindi dapat matiwalag o masuspindi ang sino mang pinuno o kawani ng serbisyo sibil maliban sa kadahilanang itinatadhana ng batas.
(4) Ang sino mang pinuno o kawani sa serbisyo sibil ay hindi dapat lumahok, nang tuwiran o di-tuwiran, sa alin mang pangangampanya sa halalan o sa iba pang pampartidong gawain sa pulitika.
(5) Hindi dapat ipagkait sa mga kawani ng pamahalaan ang karapatang magtatag ng sariling organisasyon.
(6) Ang mga pansamantalang kawani ng pamahalaan ay dapat bigyan ng proteksyong gaya ng maaaring itadhana ng batas.
SEKSYON 3
Bilang punong sangay pantauhan ng Pamahalaan, ang Komisyon sa Serbisyo Sibil ay dapat magpairal ng isang career service at magpatibay ng mga panukalang magpapasulong ng kasiglahan, kahusayan, karangalan, kahandaan, pag-unlad, at paggalang sa serbisyo sibil. Dapat nitong palakasin ang sistema ng merito at gantimpala, pagsama-samahin ang lahat ng mga palatuntunan sa pag-papaunlad ng yamang-tao para sa lahat ng antas at ranggo, at isakatatagan ang isang kaligiran sa pamamahala na naaangkop sa kapanagutang pambayan. Ito ay dapat magharap sa Pangulo at sa Kongreso ng taunang ulat tungkol sa mga palatuntunang pantauhan nito.
SEKSYON 4
Ang lahat ng mga pinuno at mga kawaning pambayan ay dapat manumpa o magpatotoo na ipagsasanggalang at ipagtatanggol ang Konstitusyong ito.
SEKSYON 5
Dapat magtadhana ang Kongreso ng mga pamantayan sa sweldo ukol sa mga pinuno at kawani ng pamahalaan, kasama na rin ang mga nasa korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan na may mga orihinal na karta, na isinasaalang-alang ang uri ng mga pananagutan na nauukol, at ang mga kwalipikasyong hinihingi para sa kanilang mga katungkulan.
SEKSYON 6
Ang sino mang kandidato na natalo sa alin mang halalan ay hindi dapat hirangin, sa loob ng isang taon makaraan ang halalang iyon, sa alin mang katungkulan sa Pamahalaan, o sa alin mang korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan o sa mga sangay nito.
SEKSYON 7
Hindi magiging karapat-dapat ang sino mang pinunong halal sa paghirang o pagtatalaga sa alin mang katungkulan o posisyong pambayan sa panahon ng kanyang panunungkulan.
Matangi kung kinakailangan ng batas o ng mga pangunahing gawain ng katungkulan, hindi dapat humawak ang sino mang halal na pinuno ng ano mang iba pang katungkulan o trabaho sa Pamahalaan o alin mang bahagi, sangay o instrumentaliti niyon kabilang ang mga korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan o sa mga sangay nito.
SEKSYON 8
Ang sino mang halal o hinirang na pinuno o kawaning pambayan ay hindi dapat tumanggap ng dagdag, doble, o di-tuwirang sweldo maliban kung tiyakang ipinahihintulot ng batas, ni tumanggap ng ano mang regalo, pabuya, katungkulan, o ano mang uri ng titulo mula sa alin mang banyagang pamahalaan nang walang pagsang-ayon ang Kongreso.
Ang mga pensyon o gratwiti ay hindi dapat ituring na dagdag, doble, o di-tuwirang kompensasyon.
K. ANG KOMISYON SA HALALAN
SEKSYON 1
(1) Dapat magkaroon nq isang Komisyon sa Halalan na binubuo ng isang Tagapangulo at anim (6) na mga Komisyonado na dapat ay mga katutubong inianak na mamamayan ng Pilipinas at, sa panahon ng Pagkakahirang sa kanila, tatlumpu’t limang taon man lamang ang gulang, naghahawak ng tituto sa kolehyo at hindi kailanman naging kandidato sa ano mang katungkulang halal sa halalang kagyat na sinundan. Gayon man, ang mayorya nito, kasama na ang Tagapangulo ay dapat na mga kabilang sa Philippine Bar na nagpraktis bilang abogado sa loob ng sampung (10) taon man lamang.
(2) Ana Tagapangulo at ang mga Komisyonado ay dapat hirangin ng Pangulo sa pagsang-ayon ng Komisyon sa Paghirang sa isang pitong (7) taong taning panunungkulan na di na muling mahihirang. Sa unang nahirang, tatlong (3) Kagawad ang manunungkulan sa loob ng pitong (7) taon, dalawang (2) Kagawad sa limang (5) taon at ang mga natitirang Kagawad sa tatlong (3) taon, na di na muling mahihirang. Ang paghirang ukol sa ano mang bakante ay dapat lamang na sa di-natapos na bahagi ng taning na panahon ng panunungkulan ng hahalinhan. Kailanman ay hindi dapat hirangin o italaga ang sino mang Kagawad sa katayuang pansamantala o nanunungkulan.
SEKSYON 2
Dapat tumupad ng sumusunod na mga kapangyarihan at mga gawain ang Komisyon sa Halalan:
(1) Magpatupad at mamahala sa pagpapatupad ng lahat ng mga batas at regulasyon na kaugnay ng pagdaraos ng halalan, plebisito, initiative, reperendum, at recall.
(2) Gampanan ang eksklusibong orihinal na hurisdiksyon sa lahat ng mga hidwaan tungkol sa mga halalan, mga kinalabasan at mga katangian ng lahat ng halal na mga pinunong panrehyon, panlalawigan, at panlungsod, at hurisdiksyong paghahabol sa lahat ng mga hidwaan na kinasasangkutan ng mga halal na pinuno ng bayan na pinasyahan ng mga hukumam ng paglilitis na pangkalahatan ang hurisdiksyon, o kinasasangkutan ng mga halal na pinuno ng baranggay na pinasyahan ng mga hukuman ng paglilitis na natatakdaan ang hurisdiksyon.
Ang mga desisyon, mga pangwakas na utos, o mga kapasyahan ng komisyon tungkol sa mga hidwaan sa halalan na kinasasangkutan ng mga katungkulang halal sa bayan at baranggay ay dapat na pangwakas, maipatutupad, at hindi maipaghahabol.
(3) Magpasya, matangi roon sa mga may kinalaman sa karapatan sa pagboto, sa lahat ng mga suliranin tungkol sa mga halalan, kasama ang pagpapasya sa bilang at kinalalagyan ng mga botohan, paghirang ng mga pinuno at mga inspektor ng halalan, at pagrerehistro ng mga botante.
(4) Magsugo, sa pagsang-ayon ng Pangulo, sa mga sangay at kasangkapang tagapagpatupad ng batas ng Pamahalaan, kasama ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas, ukol sa tanging layuning matiyak ang malaya, maayos, malinis, mapayapa, at kapani-paniwalang halalan.
(5) Irehistro, pagkaraan ng sapat na paglalathala, ang mga partido, mga organisasyon o mga koalisyong pampulitika na bukod sa iba pang mga kahingian, ay kinakailangang magharap ng kanilang plataporma o programa ng pamahalaan, at kilalanin ang mga lingkod-bayan ng Komisyon sa Halalan. Hindi dapat irehistro ang mga denominasyon at mga sektang panrelihyon. Dapat ding tanggihan ang pagrerehistro sa mga naghahangad makamit ang kanilang mga layunin sa pamamagitan ng karahasan o mga labag na kaparaanan, o tumatangging itaguyod at talimahin ang Saligang-Batas na ito, o sinusuportahan ng alin mang banyagang pamahalaan.
Ang mga kontribusyong pinansyal sa mga partido, organisasyon, koalisyon, o kandidatong pampulitika mula sa mga banyagang pamahalaan at mga sangay niyon na may kaugnayan sa mga halalan ay ituturing na panghihimasok sa mga gawaing pambansa at, kapag tinanggap, magiging karagdagang batayan sa pagkansela sa pagkarehistro nila sa Komisyon, bukod sa iba pang mga parusa na maaaring itakdang batas.
(6) Batay sa biniripikahang sumbong o sa pagkukusa nito, magharap ng mga petisyon sa hukuman ukol sa paglalakip o pagwawaksi ng mga botante sa rehistro ng mga kwalipikadong botante; siyasatin at, kung nararapat, usigin ang mga paglabag sa mga batas sa halalan, kasama ang mga kagagawan o pagkukulang na itinuturing na pandaraya, mga pagkakasala at masasamang gawain sa halalan.
(7) Itagubilin sa Kongreso ang mabisang mga hakbangin upang mapaliit ang gastos sa halalan, gayundin ang pagtatakda ng mga lugar na paglalagyan ng mga kagamitan sa propaganda, at mapigil at maparusahan ang lahat ng uri ng mga pandaraya, mga pagkakasala at masasamang gawain sa halalan, at mga panggulong pagkandidato.
(8) Itagubilin sa Pangulo ang pag-aalis sa sino mang pinuno o kawani na isinugo nito, o ang pagpapataw ng ano mang iba pang aksyong disiplinaryo, dahil sa paglabag o pagwawalang-bahala, o pagsuway sa mga direktiba, atas, o pasya nito.
(9) Iharap sa Pangulo at sa Kongreso ang komprehensibong ulat tungkol sa pamamalakad ng bawat halalan, plebisito, initiative, reperendum, o recall.
SEKSYON 3
Ang Komisyon sa Halalan ay maaaring magpasiya en banc o sa dalawang dibisyon, at dapat maglagda ng mga layunin ng mga alituntunin ng pamamaraan nito upang mapadali ang pagpapasya sa mga kaso sa halalan, kabilang ang mga hidwaan bago iproklama ang nanalo. Ang lahat ng gayong mga kaso sa halalan ay dapat dinggin at pasyahan sa dibisyon, sa pasubaling ang mga mosyon sa rekonsiderasyon ng mga pasya ay dapat pasyahan ng Komisyon en banc.
SEKSYON 4
Ang pagtatamasa o pagsasagamit ng lahat ng mga prangkisa o permit para sa operasyon ng transportasyon at iba pang mga kagamitang pambayan, midya ng pahatiran o kabatiran, lahat ng mga kaloob, mga pribilehyong natatangi o mga konsesyong ipinagkaloob ng Pamahalaan o ano mang bahagi, sangay, o instrumentaliti niyon, kasama ang alin mang korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan, ay maaaring pangasiwaan at isaayos ng Komisyon sa panahon ng halalan. Layunin ng gayong pangangasiwa at pagsasaayos na matiyak ang timbang na pagkakataon, panahon, puwang, at karapatang sumagot, kasama na ang makatwiran at timbang na singil ukol doon sa mga kampanya at porum sa pagbibigay ng impormasyon sa madla ng mga kandidato sa layuning matiyak ang malaya, maayos, malinis, mapayapa, at kapani-paniwalang halalan.
SEKSYON 5
Ang alin mang patawad, amnestya, parole, o suspensyon ng kaparusahan sa paglabag sa mga batas, tuntunin at mga alituntunin ng halalan ay hindi dapat ipagkaloob ng Pangulo nang walang pasang-ayong tagubilin ng Komisyon.
SEKSYON 6
Dapat pahintulutang mamukadkad ang isang malaya at lantad na sistemang partido alinsunod sa malayang pagpili ng taong-bayan, na sasailalim lamang sa mga tadhana ng Artikulong ito.
SEKSYON 7
Hindi dapat maging balido ang ano mang boto para sa alin mang partido, organisasyon o koalisyong pampulitika, matangi sa maaaring itadhana sa Konstitusyong ito sa ilalim ng sistemang partilist.
SEKSYON 8
Ang mga partido, o organisasyon, o koalisyong pampulitika na nakarehistro sa ilalim ng sistemang Partilist ay hindi dapat magkaroon ng kinatawan sa mga lupon ng pagrerehistro ng mga botante, sa mga lupon ng mga inspektor sa halalan, sa mga lupon ng mga tagabilang, o iba pang katulad na mga kalupunan. Gayon man, sila ay dapat bigyan ng karapatang humirang ng mga bantay-halalan alinsunod sa batas.
SEKSYON 9
Maliban kung naiiba ang itinatakda ng Komisyon sa mga natatanging kalagayan, ang panahon ng halalan ay dapat magsimula siyamnapung araw bago sumapit ang araw ng halalan at dapat magtapos tatlumpung araw pagkaraan niyon.
SEKSYON 10
Ang mga kandidatong bona fide para sa ano mang katungkulang pambayan ay dapat maging ligtas sa ano mang anyo ng panliligalig at diskriminasyon.
SEKSYON 11
Dapat maglaan sa regular o natatanging laang-gugulin ng mga pondo na sinertipikahan ng Komisyon na kinakailangang panggastos sa pagdaraos ng regular at natatanging mga halalan, mga plebisito, initiative, mga reperendum, at recall at, sa sandaling mapagtibay, dapat na kusang ipalabas sa pamamagitan ng sertipikasyon ng Tagapangulo ng Komisyon.
D. ANG KOMISYON SA AWDIT
SEKSYON 1
(1) Dapat magkaroon ng isang Komisyon sa Awdit na bubuuin ng isang Tagapangulo at dalawang Komisyonado na dapat na mga katutubong inianak na mamamayan ng Pilipinas at, sa panahon ng pagkahirang sa kanila, tatlumpu’t limang taon man lamang ang gulang, mga certified public accountant na hindi kukulangin sa sampung taon ang karanasan sa pag-aawdit o kabilang sa Philippine Bar na nagpraktis bilang abogado sa loob ng sampung taon man lamang at hindi kailanman naging kandidato sa ano mang katungkulang halal sa halalang iniraos kagyat bago isinagawa ang kanilang pagkakahirang. Kailan man ay hindi dapat magkatulad ng propesyon ang lahat ng mga Kagawad ng Komisyon.
(2) Ang Tagapangulo at ang mga Komisyonado ay dapat hirangin ng Pangulo sa pagsang-ayon ng Komisyon sa Paghirang sa isang pitong taong taning na panahon ng panunungkulan na di na muling mahihirang. Sa mga unang nahirang, ang Tagapangulo ay dapat manungkulan sa loob ng pitong taon, ang isang Komisyonado sa limang taon, at ang isa pang Komisyonado sa tatlong taon, na di na muling mahihirang. Ang pagkahirang sa ano mang bakante ay dapat na ukol lamang sa di natapos na bahagi ng taning na panahon ng panunungkulan ng hahalinhan. Kailan man ay hindi dapat hirangin o italaga ang sino mang Kagawad sa kalagayang pansamantala o nanunungkulan.
SEKSYON 2
(1) Dapat magkaroon ang Komisyon sa Awdit ng kapangyarihan, awtoridad at tungkuling magsuri, mag-awdit at mag-ayos ng lahat ng mga kwentang nauukol sa tinanggap at kinita, mga paggastos o paggamit ng mga pondo at ariarian, na nauukol, ari o iniingatan lamang bilang katiwala ng Pamahalaan, o ano man sa mga bahagi, sangay, o kasangkapan niyon, kasama ang mga korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan na may mga orihinal na karta at sa batayang post-awdit, ang: (a) mga kalupunan, mga komisyon, at mga tanggapang konstitusyonal na pinagkalooban ng pagsasarili sa pananalapi sa ilalim ng Konstitusyong ito; (b) mga nagsasariling mga dalubhasaan at pamantasang pampamahalaan; (k) mga korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan at ang mga sangay niyon; at, (d) mga entity na di pampamahalaan na tumatanggap ng subsidy o equity, nang tuwiran o di tuwiran, mula sa o sa pamamagitan ng pamahalaan, na hinihingi ng batas o nagkakaloob na institusyon na sumailalim sa gayong pag-aawdit bilang isang kondisyon sa pagtanggap ng subsidy equity. Gayon pa man, kapag di sapat ang sistemang internal kontrol ng inawdit na mga tanggapan, ang Komisyon ay maaaring gumamit ng mga hakbangin kabilang ang pansamantala o natatanging pre-awdit na kinakailangan at nararapat upang maiwasto ang mga pagkukulang. Ito ay dapat mag-ingat ng pangkalahatang kwenta ng Pamahalaan at, sa panahong maaaring itadhana ng batas, pangalagaan ang mga botser at iba pang nagpapatunay na papeles na kaugnay niyon.
(2) Dapat magkaroon ang Komisyon ng tanging awtoridad, batay sa mga katakdaan sa Artikulong ito, na magtakda ng saklaw ng awdit at pagsusuri nito, magtatag ng mga kaparaanan at pamaraan na kinakailangan ukol doon, at maglagda ng mga tuntunin at alituntunin sa pagtutuos at pag-aawdit kabilang ang mga ukol sa paghadlang at di pagpapahintulot sa mga paggugol o paggamit ng mga salapi at ariarian ng pamahalaan na tiwali, hindi kinakailangan, labis-labis, maluho o di makatwiran.
SEKSYON 3
Hindi dapat magpatibay ng ano mang batas na sa ano pa mang kaparaanan ay inilalabas sa hurisdikyon ng Komisyon sa Awdit ang alin mang entity ng pamahalaan o sangay nito ukol sa ano mang pamumuhunan sa salapi ng bayan.
SEKSYON 4
Ang Komisyon ay dapat magharap sa Pangulo at sa Kongreso, sa loob ng panahong itinatakda ng batas, ng taunang ulat na sumasaklaw sa kalagayan at pagpapakilos sa pananalapi ng Pamahalaan, ng mga bahagi, mga sangay, at mga instrumentaliti niyon, kasama ang mga korporasyong ari o kontrolado ng pamahalaan, at mga entity na di-pampamahalaan, batay sa awdit nito at magtagubilin ng mga hakbangin na kinakailangan upang mapag-ibayo ang kakayahan at pagkamabisa ng mga ito. Ito ay dapat magharap ng iba pang mga ulat na maaaring kailanganin ng batas.