ARTIKULO IV PAGKAMAMAMAYAN

Talaan ng mga Nilalaman

SEKSYON 1

Ang sumusunod ay mga mamamayan ng Pilipinas:

(1) Yaong mga mamamayan ng Pilipinas sa panahon ng pagkakapatibay ng Konstitusyong ito;

(2) Yaong ang mga ama o mga ina ay mga mamamayan ng Pilipinas;

(3) Yaong mga isinilang bago sumapit ang Enero 17, 1973 na ang mga ina ay Filipino, na pumili ng pagkamamamayang Pilipino pagsapit sa karampatang gulang; at

(4) Yaong mga naging mamamayan ayon sa batas.

SEKSYON 2

Ang katutubong inianak na mga mamamayan ay yaong mga mamamayan ng Pilipinas mula pa sa pagsilang na wala nang kinakailangang gampanang ano mang hakbangin upang matamo o malubos ang kanilang pagkamamamayang Pilipino. Yaong mga nagpasya na maging mamamayang Pilipino ayon sa Seksyon 1, Talataan 3 nito ay dapat ituring na katutubong inianak na mga mamamayan.

SEKSYON 3

Ang pagkamamamayang Pilipino ay maaaring mawala o muling matamo sa paraang itinatadhana ng batas.

SEKSYON 4

Mananatiling angkin ang kanilang pagkamamamayan ng mga mamamayan ng Pilipinas na mag-asawa ng mga dayuhan, matangi kung sa kanilang kagagawan o pagkukulang, sila ay ituturing, sa ilalim ng batas, na nagtakwil nito.

SEKSYON 5

Ang dalawahang katapatan ng mga mamamayan ay salungat sa kapakanang pambansa at dapat lapatan ng kaukulang batas.

Nakaraan
Susunod