ARTIKULO III KATIPUNAN NG MGA KARAPATAN

Talaan ng mga Nilalaman

SEKSYON 1

Hindi dapat alisan ng buhay, kalayaan, o ariarian ang sino mang tao nang hindi sa kaparaanan ng batas, ni pagkaitan ang sino mang tao ng pantay na pangangalaga ng batas.

SEKSYON 2

Ang karapatan ng mga taong-bayan na magkaroon ng kapanatagan sa kanilang sarili, pamamahay, papeles at mga bagay-bagay laban sa hindi makatwirang paghahalughog at pagsamsam sa ano mang layunin ay hindi dapat labagin, at hindi dapat maglagda ng warant sa paghalughog o warant sa pagdakip maliban kung may malinaw na dahilan na personal na pagpapasyahan ng hukom matapos masiyasat ang mayhabla at ang mga testigong maihaharap niya sa ilalim ng panunumpa o patotoo, at tiyakang tinutukoy ang lugar na hahalughugin, at ang mga taong darakpin o mga bagay na sasamsamin.

SEKSYON 3

(1) Hindi dapat labagin ang pagiging lihim ng komunikasyon at korespondensya maliban sa legal na utos ng hukuman, o kapag hinihingi ang naiiba ng kaligtasan o kaayusan ng bayan ayon sa itinatakda ng batas.

(2) Hindi dapat tanggapin para sa ano mang layunin sa alin mang hakbangin sa paglilitis ang ano mang ebidensya na nakuha nang labag dito o sa sinusundang seksyon.

SEKSYON 4

Hindi dapat magpatibay ng batas na nagbabawas sa kalayaan sa pananalita, pagpapahayag, o ng pamahayagan, o sa karapatan ng mga taong-bayan na mapayapang magkatipon at magpetisyon sa pamahalaan upang ilahad ang kanilang mga karaingan

SEKSYON 5

Hindi dapat magbalangkas ng batas para sa pagtatatag ng relihyon, o nagbabawal sa malayang pagsasagamit nito. Dapat ipahintulot magpakailanman ang malayang pagsasagamit at pagtatamasa ng paghahayag ng relihyon at pag-samba nang walang pagtatangi o pamimili. Hindi dapat kailanganin ang pagsusulit panrelihyon sa pagsasagamit ng mga karapatang sibil o pampulitika.

SEKSYON 6

Hindi dapat bawahan ang kalayaan sa paninirahan at ang pagbabago ng tirahan sa saklaw ng mga katakdaang itinatadhana ng batas maliban sa legal na utos ng hukuman. Ni hindi dapat bawahan ang karapatan sa paglalakbay maliban kung para sa kapakanan ng kapanatagan ng bansa, kaligtasang pambayan, o kalusugang pambayan ayon sa maaaring itadhana ng batas.

SEKSYON 7

Dapat kilalanin ang karapatan ng mga taong-bayan na mapag-pabatiran hinggil sa mga bagay-bagay na may kinalaman sa tanan. Ang kaalaman sa mga opisyal na rekord, at sa mga dokumento at papeles tungkol sa mga opisyal na gawain, transaksyon, o pasya, gayon din sa mga datos sa pananaliksik ng pamahalaan na pinagbabatayan ng patakaran sa pagpapaunlad ay dapat ibigay sa mamamayan sa ilalim ng mga katakdaang maaaring itadhana ng batas.

SEKSYON 8

Hindi dapat hadlangan ang karapatan ng mga taong-bayan kabilang ang mga naglilingkod sa publiko at pribadong sektor na magtatag ng mga asosasyon, mga unyon, o mga kapisanan sa mga layuning hindi labag sa batas.

SEKSYON 9

Ang pribadong ariarian ay hindi dapat kunin ukol sa gamit pambayan nang walang wastong kabayaran.

SEKSYON 10

Hindi dapat magpatibay ng batas na sisira sa pananagutan ng mga kontrata.

SEKSYON 11

Hindi dapat ipagkait sa sino mang tao ang malayang pagdulog sa mga hukuman at sa mga kalupunang mala-panghukuman at sa sapat na tulong pambatas nang dahil sa karalitaan.

SEKSYON 12

(1) Ang sino mang tao na sinisiyasat dahil sa paglabag ay dapat magkaroon ng karapatang mapatalastasan ng kanyang karapatang magsawalang-kibo at magkaroon ng abogadong may sapat na kakayahan at malaya na lalong kanais-nais kung siya ang maypili. Kung hindi niya makakayanan ang paglilingkod ng abogado, kinakailangang pagkalooban siya ng isa. Hindi maiuurong ang mga karapatang ito maliban kung nakasulat at sa harap ng abogado.

(2) Hindi siya dapat gamitan ng labis na pagpapahirap, pwersa, dahas, pananakot, pagbabanta, o ano pa mang paraan na pipinsala sa kanyang malayang pagpapasya. Ipinagbabawal ang mga lihim na kulungan, solitaryo, ingkomunikado o iba pang katulad na mga anyo ng detensyon.

(3) Hindi dapat tanggaping ebidensya laban sa kanya ang ano mang pagtatapat o pag-amin na nakuha nang labag sa seksyong ito o Seksyon 17 nito.

(4) Dapat magtadhana ang batas ng mga kaparusahang penal at sibil sa mga paglabag sa seksyong ito at gayon din ng bayad-pinsala at rehabilitasyon sa mga biktima ng labis na mga pagpapahirap o katulad ng mga nakagawian, at sa kanilang mga pamilya.

SEKSYON 13

Ang lahat ng mga tao, maliban sa mga nahahabla sa mga paglabag na pinarusahan ng reclusion perpetua kapag matibay ang ebidensya ng pagkakasala, bago mahatulan, ay dapat mapyansahan ng sapat na pyador, o maaaring palayain sa bisa ng panagot ayon sa maaaring itadhana ng batas. Hindi dapat bawahan ang karapatan sa pyansa kahit na suspindido ang pribilehyo ng writ of habeas corpus. Hindi dapat kailanganin ang malabis na pyansa.

SEKSYON 14

(1) Hindi dapat papanagutin sa pagkakasalang kriminal ang sino mang tao nang hindi sa kaparaanan ng batas.

(2) Sa lahat ng mga pag-uusig kriminal, ang nasasakdal ay dapat ituring na walang sala hangga’t hindi napapatunayan ang naiiba, at dapat magtamasa ng karapatang magmatwid sa pamamagitan ng sarili at ng abogado, mapatalastasan ng uri at dahilan ng sakdal laban sa kanya, magkaroon ng mabilis, walang kinikilingan, at hayagang paglilitis, makaharap ang mga testigo at magkaroon ng sapilitang kaparaanan upang matiyak ang pagharap ng mga testigo at paglitaw ng ebidensya para sa kanyang kapakanan. Gayon man, matapos mabasa ang sakdal, maaaring ituloy ang paglilitis kahit wala ang nasasakdal sa pasubaling marapat na napatalastasan siya at di makatwiran ang kanyang kabiguang humarap.

SEKSYON 15

Hindi dapat suspindihin ang pribilehyo ng writ of habeas corpus, maliban kung may pananalakay o paghihimagsik, kapag kinakailangan ng kaligtasang pambayan.

SEKSYON 16

Dapat magkaroon ang lahat ng mga tao ng karapatan sa madaliang paglutas ng kanilang mga usapin sa lahat ng mga kalupunang panghukuman, mala-panghukuman, o pampangasiwaan.

SEKSYON 17

Hindi dapat pilitin ang isang tao na tumestigo laban sa kanyang sarili.

SEKSYON 18

(1) Hindi dapat detenihin ang sino mang tao dahil lamang sa kanyang mga paniniwala at hangaring pampulitika.

(2) Hindi dapat pairalin ang ano mang anyo ng sapilitang paglilingkod, maliban kung kaparusahang pataw ng hatol ng pagkakasala.

SEKSYON 19

(1) Hindi dapat ipataw ang malabis na multa, ni ilapat ang malupit, imbi o di-makataong parusa, o ang parusang kamatayan, matangi kung magtadhana ang Kongreso ng parusang kamatayan sa mga kadahilanang bunsod ng mga buktot na krimen. Dapat ibaba sa reclusion perpetua ang naipataw nang parusang kamatayan.

(2) Dapat lapatan ng kaukulang batas ang pagpapahirap na pisikal, sikolohikal, o imbing pagpaparusa sa sino mang bilanggo o detenido o ang paggamit ng mga kaluwagang penal na di-makatao.

SEKSYON 20

Hindi dapat ibilanggo ang isang tao nang dahil sa pagkakautang o hindi pagbabayad ng sedula.

SEKSYON 21

Hindi dapat na ang isang tao ay makalawang masapanganib ng kaparusahan sa iisang paglabag. Kung pinarurusahan ng batas at ng ordinansa ang isang kagagawan, ang pagkaparusa o pagkaabswelto sa ilalim ng alin man dito ay magiging hadlang sa iba pang pag-uusig sa gayon ding kagagawan.

SEKSYON 22

Hindi dapat magpatibay ng batas ex post facto o bill of attainder.

Nakaraan
Susunod